SRA EXECS SA SUGAR ORDER PINAGBIBITIW

ILANG araw makaraang sumingaw ang isang direktibang magbibigay-daan sana sa pag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal mula sa ibang bansa, isang maugong na panawagan ang inihain sa Kamara – pagbibitiw ng lahat ng opisyal na pumirma sa kontrobersyal na dokumento ng walang pahintulot mula sa Palasyo.

Pagtatapat ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So sa pulong na ipinatawag ng House Committee on Good Government and Public Accountability, hindi kasama sa mga pagbibitiw sa pwesto si Executive Secretary Vic Rodriguez.

Paliwanag ni So, nagsagawa ng isang imbestigasyon ang Palasyo hinggil sa inilabas na Sugar Order No. 4 kung saan nakapirma si DA Undersecretary Leocadio Sebastian sa espasyong inilaan para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Aniya, lumalabas na walang kinalaman ang Executive Secretary na nauna nang idinamay sa bulilyaso.

Magugunitang maging ang Pangulo ay lubhang ikinagulat nang lumabas ang Sugar Order 4, na aniya’y walang permiso sa kanya bilang Agriculture Secretary at Chairman ng SRA.

“Sa meeting namin with the President and Executive Secretary Rodriguez, ang marching order ng Palasyo is to talk with DA para malaman kung ano ang shortfall at yun lang ang ipasok,” ani So sa nasabing briefing.

Aniya, maging ang kanilang hanay, nabigla sa 300,000 metriko toneladang nakasaad sa SO-4 lalo pa’t batid naman nilang 100,000 metric tons lang ang kakulangan ng sugar supply sa merkado.

Paniwala ni So, sadyang may pilit na kumaladkad sa pangalan ni Rodriguez sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ng mga itinalaga sa pwesto ni Marcos Jr.

“Kinaklaro ko lang may  instruction ang Malacanang to coordinate with local industry with DA para makita lang kung ano ang shortfall,” dagdag na pahayag pa ni So.

Ipinagtataka rin ni So kung bakit inilihim ni Sebastian ang pag-iisyu ng SO-4 – “Bakit hindi na inform ang Pangulo na pumirma siya (Sebastian) in behalf of the President? Sa palagay namin may tinatago at dapat malaman,” giit ni So sa komite.

Samantala, pinulong na rin ng Pangulo ang mga fertilizer industry players sa Palasyo kung saan bumalangkas ng mekanismo si Marcos Jr. at mga stakeholders ng mga paraan para pababain ang presyo ng abono sa merkado.

Sa kaugnay na balita, hinamon naman nina Negros Occidental Rep. Juliet Ferrer at ACT partylist Rep. France Castro ang lahat ng signatory ng SO-4 na magbitiw agad sa pwesto.

“As one of the Representatives of Negros Occidental, one of the sugar-producing provinces of our country, I would like to, again, ask all those who signed the Sugar Order No.4 which we think was illegal, they should resign po out of delicadeza,” ani Ferrer.

Bukod kay Sebastian, kabilang rin sa mga lumagda sa kontrobersyal na dokumento SRA Board member Atty. Roland Beltran, Administrator Hermenegildo. R. Serafica, SRA Board-vice chairman at Aurelio Gerardo J. Valderrama Jr., acting board member-Planters Representatives.

Sa mga naturang opisyal, sina Sebastian at Beltran pa lang ang naghain ng kanilang pagbibitiw sa pwesto. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

211

Related posts

Leave a Comment