ROBIN, IWAS MUNA SA MEDIA

IWAS muna sa media interviews si neophyte Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla matapos ang pagkondena sa kanya ng Grand Imam Marawi Grand Mosque dahil sa kanyang isinusulong na civil union ng same sex couple.

Sa media advisory ng tanggapan ni Padilla, nakasaad na sasagutin ng mambabatas ang anomang mga katanungan ng media sa tamang panahon.

Humingi rin ng pang-unawa ang bagitong senador kung pansamantala siyang iiwas sa pagpapa-interbyu sa media.

Ang hakbang na ito ng senador ay  makaraang mag-withdraw ng suporta sa kanya ang Grand Imam ng Marawi Grand Mosque at mga supporter nito.

Una nang kinondena ng Grand Imam ng Marawi Grand Mosque ang pagsusulong ni Padilla ng Senate Bill No. 449 o An Act Institutionalizing Civil Unions of Same Sex Couples, Establishing Their Rights and Obligations, and For Other Purposes.

Nais umano ni Padilla na maiwasan na makapagbitiw ng salita na makadagdag pa sa galit ng religious group.

Una nang iginiit ni Padilla na bukas siya sa malayang talakayan para sa kanyang panukala na daraan sa proseso tulad ng committee hearing  at plenary debate kung saan ang mga grupo na pabor at kontra ay bibigyan ng pagkakataon na ihayag ang kanilang posisyon.

Binigyang-diin din ng senador na bahagi ng demokrasya ang malusog na palitan ng ideya o pananaw sa kanyang panukala.

Sa halip anya na agarang husgahan, hinimok ni Padilla ang publiko na basahin ang nilalaman ng kanyang panukala. (DANG SAMSON-GARCIA)

195

Related posts

Leave a Comment