KINALAMPAG ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Trade and Industry upang tutukan ang modus ng ilang tinatawag na multi-level marketing at networking companies na nakapambibiktima na ng maraming indibidwal.
Sa organizational meeting ng Senate Committee on Trade and Industry, inilabas ni Tulfo ang kanyang pagkadismaya sa malawakang scams ng mga kumpanyang nagpapanggap na legal at nangangako ng malaking kita sa mga maglalagak ng puhunan sa kanila.
Hinamon ng senador ang DTI na palakasin ang kanilang hakbangin laban sa mga ito lalo pa’t marami sa kanila ang nabibigyan ng permit ng ahensya.
“I suggest that you look for ways to ensure that these fraudulent multi-level marketing and networking companies would not continue to increase, especially during the pandemic, by promising big bucks or better futures to the Filipino people,” pahayag ni Tulfo.
Iginiit ng mambabatas na panahon nang makipag-ugnayan ang DTI sa Philippine National Police at sa National Bureau of Investigation upang tuluyang masugpo ang mga ganitong uri ng modus operandi.
Sa panig ng DTI, inamin ni Secretary Alfredo Pascual na hindi nila kakayanin mag-isa ang pagsugpo sa mga networking scam subalit nangako na makikipag-ugnayan sa mga law enforcement agency para masolusyunan ito.
Ipinaliwanag din ni Pascual na ang mandato nila ay tiyakin na ang mga negosyo ay nakarehistro sa kanila subalit hindi nila nababantayan ang operasyon ng mga kumpanya lalo na kung korporasyon dahil sa ilalim na ito ng pangangasiwa ng Securities and Exchange Commission. (Dang Samson-Garcia)
177
