LEARNING RECOVERY TUTUKAN KASABAY NG PAGTIYAK NG KALIGTASAN NG MGA ESTUDYANTE

SA pagbubukas ng School Year 2022-2023, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at magpatupad ng mga hakbang tungo sa tinatawag na “learning recovery.”

Kahapon ng umaga ay bumisita si Gatchalian sa Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School sa Valenzuela City upang mamonitor ang kahandaan ng mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa gitna ng nananatiling banta ng COVID-19.

Namahagi rin ang senador ng school supplies at iba pang gamit sa mga guro.

Iginiit ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education na ang pagpapalawig sa COVID-19 vaccination coverage sa mga mag-aaral ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang maiwasang kumalat ang sakit sa mga paaralan.

Malaking hamon anya pagbabakuna ng mga mag-aaral na may edad na lima hanggang 11.

“Humanap tayo ng mga bagong paraan, makipagtulungan tayo sa DOH at mga lokal na pamahalaan, tignan natin kung makakapaglagay tayo ng mga vaccination site sa mga paaralan, at hikayatin natin ang mas marami pang mga kabataan upang magpabakuna,” mungkahi ng senador.

Muli rin niyang iginiit sa DepEd na tutukan ang “learning poverty” sa bansa.

“Tayo po ay nakamonitor sa estado ng mga paaralan upang siguruhing bukod sa ligtas ang muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang klase ay mabibigyan sila ng dekalidad na edukasyon tungo sa hangaring walang mag-aaral ang mapag-iiwanan, may kapansanan man o wala,” sabi ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)

184

Related posts

Leave a Comment