MODERNISASYON NG PAG-AASIN TUTUTUKAN NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

TUTULONG ang administrasyong Marcos para sa modernisasyon ng industriya ng pag-aasin.

Sa katunayan, isiniwalat ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang plano ng administrasyon para paghusayin ang salt production sa bansa.

Sa isang kalatas, sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na ang Department of Agriculture, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mangunguna sa usaping ito kasama ang ilang ahensya ng gobyerno.

Ani Cruz-Angeles, ang plano ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

Ang DA ay magpapatupad ng mga programa at inisyatiba para palakasin ang salt production at supply; pangungunahan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang iba’t ibang “research and development initiatives” sa salt production at tutulungan ang marginal at artisanal salt makers; pagsasakatuparan ng Development of the Salt Industry Project (DSIP) para sa salt makers sa Regions 1, 6 at 9; palalawigin ng DA ang salt production areas at isusulong ang makabagong teknolohiya para mapabilis ang produksyon; at ang gagawing pakikipagtulungan ng DA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), and Department of Trade and Industry (DTI) para i-develop nang husto ang local salt industry sa ilalim ng Republic Act 8172, o Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN).”

Itinaas naman ng DTI ang presyo ng asin makaraan ang ilang taon na hindi nababago ang presyo nito.

Inaprubahan nito ang pagtaas sa presyo ng iodized rock salt sa P21.75 para sa 500 grams at P23.00 para sa one kilogram.

Sa gitna ng pagtaas, pinanindigan naman ng DTI na walang nagaganap na kakapusan sa suplay ng asin sa bansa.

Bakit mag-iimport?

Halos libre at madaling gumawa ng asin dahil dagat ang nakapalibot sa ating bansa, bakit tayo nag-iimport?

Ito naman ang nadidismayang tanong ni Senador Imee Marcos sa usapin ng pag-aangkat ng asin sa gitna ng biglang pagsipa ng presyo ng tuyo, daing, at bagoong sa palengke.

Aniya, sa impormasyon na nakalap ng kanyang tanggapan, tumaas ang presyo ng tuyong salinas at lapad mula sa P200 kada kilo ay P280 na ngayon sa ilang bagsakan nito sa Tondo, Maynila at Balintawak, Quezon City.

Bukod umano sa mataas na presyo ng petrolyo, sinabi ni Marcos na idinadahilan din ang taas-presyo ng asin ng mga tindera ng tuyo at daing.

Ayon kay Marcos, ang Pilipinas ang ikalima sa may pinakamahabang baybaying dagat sa buong mundo na may sukat na 36,000 kilometro pero nag-aangkat pa ng asin sa Australia at China.

Sabi ni Marcos na lampas 90% ng asin ay ini-import ng Pilipinas sa loob ng halos tatlong dekada at walang ginawa ang ilang nakalipas na administrasyon para paunlarin ang industriya ng asin.

Tinukoy ni Marcos na pangunahing pinagkukunan ng asin ang Ilocos region partikular sa Pangasinan at La Union, ngunit napabayaan at hindi nabigyan ng sapat na ayuda ng mga nagdaang gobyerno.

Tinukoy rin niya ang kakulangan ng suporta ng pamahalaan sa mga manggagawa sa asinan, partikular na sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at makina sa ipinatupad na ASIN law o Act for Salt Iodization Nationwide (Republic Act No. 8172) na ipinatupad noong December 1995.

Nakakahiya

Para naman kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, nakakahiya na umaangkat pa ng asin ang Pilipinas.

Si Salo ang unang nagsiwalat na 93% sa kinokonsumong asin sa Pilipinas ay inaangkat sa iba’t ibang bansa kabilang na ang China.

“It is indeed shameful for our country to be import-dependent on salt, an industry which should be thriving in an archipelagic country with more than 36,000 kilometers of shorelines,” ani Salo.

Ikinagalak ng mambabatas na nakuha nito ang atensyon ng Senado sa katauhan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na sumuporta sa kanyang krusada na buhayin ang salt industry sa bansa.

Sang-ayon din ang mambabatas na matagal nang napabayaan ang salt industry sa bansa kaya milyon-milyon kundi man bilyong piso ang nawawala taon-taon dahil sa pag-aangkat.

“It is such a waste of the country’s natural resources and comparative advantage,” ayon pa kay Salo.

Bukod aniya rito, libong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng nasabing industriya.

Sa ngayon ay nakikipag-dayalogo na ang mambabatas sa mga natitirang salt producers para buhayin ang industriyang ito at maiwasan na ang pag-angkat ng asin sa hinaharap.

“We have seen a groundswell of support from both the private and government sectors, particularly the Department of Agriculture and Department of Trade and Industry,” ani Salo.

“And now that Senator Villanueva is with us, we hope to gather more support in Congress to finally pass a law for our salt farmers and producers,” dagdag pa ng mambabatas. (May dagdag na ulat sina NOEL ABUEL/BERNARD TAGUINOD)

140

Related posts

Leave a Comment