ARESTADO ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group ang isang police officer habang nagsusugal sa isang casino sa Pasay City noong nakalipas na linggo.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), isinagawa ang pagdakip sa police officer bunsod ng report na madalas umano itong nakikitang tumataya sa mga slot machine.
Isang law enforcement operation ang inilunsad ng PNP-IMEG-NCR Field Unit, katuwang ang Regional Intelligence Division (RID), at Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Regional Office, PNP-PSPG, at Security Management Office ng Resorts World Casino.
Nabatid na ang dinakip na pulis na kinilalang si Maj. Rolando Isidoro, 51-anyos, ay kasalukuyang nakatalaga sa Personnel Holding and Accounting Section ng PNP Police Security Protection Group.
Magugunitang naglabas ng isang memorandum circular na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magsugal sa mga casino.
Kakasuhan ang nahuling pulis ng paglabag sa Revised Penal Code at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Tiniyak naman ni P/BGen. Warren de Leon ng PNP-IMEG, na tuloy-tuloy ang kanilang kampanya kaugnay sa internal cleansing at pagtugis sa tiwaling mga opisyal. (JESSE KABEL)
