PARUSA SA AMBASSADOR NA MASASANGKOT SA PANG-AABUSO SA MGA OFW, PINADODOBLE

IGINIIT ni Senador Robin Padilla na dapat dobleng bigat ang parusang ipataw laban sa mga ambassador at overseas personnel ng Pilipinas na mang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW) lalo na kung ginawa ito sa mga shelters.

“Sana po magkaroon tayo talaga ng ngipin sa mga ganitong pangyayari. Ang hirap tanggapin talaga. Nahirapan akong tanggapin – ambassador ka, ikaw ang tatay sa lugar na yan. Tapos ikaw ang, unang una nasa shelter pa ang tao?” pahayag ni Padilla sa pagdinig ng Committee on Migrant Workers.

Binigyang-diin ni Padilla na hindi na dapat maulit ang kaso ng sexual harassment na kinasangkutan ng isang ambassador sa Kuwait, 10 taon na ang nakaraan.

Ibinunyag naman ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na hindi nasampahan ng kaso ang ambassador na sangkot sa insidente na ito at nakaretiro na.

Tinulungan pa ni Ople ang nabiktimang kasambahay noong mga panahong iyon na siya ay miyembro pa ng isang non-governmental organization.

Sinabi ni Ople, nitong buwan lamang ng Hulyo niya nakuha ang desisyon ang Department of Foreign Affairs na pagbayarin ng multa ang ambassador.

Muling iginiit ni Ople na kailangan ng anti-sexual harassment law na makasama ang mga diplomat.

“Hindi ko lang mapalagpas ang ambassador. You have an oath na proteksyunan mo ang Pilipinas at ang mga tao nito sa harapan ng Diyos, sa harapan ng Konstitusyon – tapos gagawa siya ng ganoon. Sa akin po wala akong ano, kahit 10-20 taon, nasaan ang ambassador na yan? Kasi di pupuwede yan,” giit ni Padilla. (DANG SAMSON-GARCIA)

162

Related posts

Leave a Comment