PAGBUHAY SA BNPP SINIMULAN NA

UMUSAD na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na itinayo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa kagustuhan nito na makaiwas ang bansa sa krisis sa supply ng fossil fuels.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni  Special Committee on Nuclear Energy chairman at Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, kailangang buhayin na ang BNPP kung nais natin na magkaroon ng mura, malinis at maaasahang supply ng kuryente.

Ayon sa mambabatas, itinayo ni Marcos Sr. ang BNPP para maging ligtas ang bansa “sa matinding pagsisingil ng mga supplier ng fossil fuel sa mundo” na siyang nangyayari ngayon.

Gayunpaman, hindi napakinabangan ang itinayong proyekto ni Marcos Sr. dahil pinulitika ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika kaya ngayon ay nagdurusa ang bansa sa mataas na presyo at walang katatagang supply ng kuryente.

“Mga kaibigan, alam n’yo, nagamit na kasangkapan ang BNPP sa pagprotesta sa dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ginamit po ‘yang kasangkapan para ma-demonize po siya. Ang kasaysayan ngayon ay nagpapatunay na tama po ang kanyang mga plano at gustong isagawa,” ayon pa kay Cojuangco.

Dahil dito, hindi aniya matatag ang supply ng kuryente sa bansa at bukod sa napakamahal nito dahil sa pagtaas ng presyo ng mga krudo at maging ang coal na ginagamit ng power producers.

Bagama’t sa ngayon ay marami na ang nagtatayo ng wind at solar energy, hindi pa rin ito sapat para magkaroon ng katatagan ng supply ng kuryente sa bansa at mahal din aniya ito.

“Mga minamahal na kasama, ang hindi alam ng marami, mula noong nagsimula ang implementation ng Feed-in Tariff Allowance (FIT-ALL) na pangsuporta sa “renewables” noong 2008, umabot na sa P95 billion ang naibayad ng bayan sa mga solar at wind businessman, para sa kanilang kakarampot, at papatay-patay na supply ,” ayon pa kay Cojuangco. (BERNARD TAGUINOD)

150

Related posts

Leave a Comment