RAPIDO Ni PATRICK TULFO
HINDI pa rin daw natitigil ang katiwalian sa loob ng National Center for Mental Health (NCMH), ayon sa kuwento ng isang mapagkakatiwalaang source kahit pa nasampahan na ng kaso na may kinalaman sa korapsyon.
Nakapagtatakang hindi na-relieve sa pwesto ang mga sangkot sa katiwalian kahit pa ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang nagsampa ng kaso laban sa mga ito. Hindi ba dapat kapag sangkot sa kaso ang isang kawani o opisyales ng gobyerno, ito ay pansamantalang ililipat sa ibang pwesto kundi man ilalagay sa floating status hanggang maresolba ang demanda laban sa kanila?
Mabigat ang mga kasong isinampa ng NBI laban sa mga sangkot sa katiwalian at ito ay may kinalaman sa violation of Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at RA 9184 (Government Procurement Reform Act), gross negligence and serious dishonesty in relation to the procurement and payment of a CT scan machine na nagkakahalaga ng P30,407,706.25.
Dapat tinanggal na muna sa pwesto ng Department of Health (DOH) ang mga sangkot sa mga eskandalong ito. Si Francisco Duque III ang kalihim ng DOH nang pumutok ang isyung ito na nahaharap din sa mga bintang ng korapsyon na may kinalaman naman sa pagbili ng COVID-19 supplies, ayon sa imbestigasyon ng Senado.
***
Pamilya naman ng isang sakristan na nagpatiwakal ang lumapit sa amin upang humingi ng tulong sa pagpapa-awtopsiya ng 19-years old na biktima. Ayon sa kamag-anak ng nasawi, hindi na sila pumayag na i-autopsy pa ang biktima nang tanungin sila ng mga awtoridad pero nagbago ang kanilang isip matapos na maghinala sila na mayroong “foul play” sa insidente.
Wala raw iniwan na suicide note ang sakristan na naninilbihan sa Puerto Princesa Cathedral bago nangyari ang insidente.
Agad ko pong sinabihan ang aming reporter na si Chen na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Palawan upang maisagawa ang kahilingan ng mga naiwan ng biktima.
***
Nag-viral sa social media ang video ng insidente ng panghoholdap na nangyari sa Pantaleon St., Mandaluyong City. Makikita sa video na hinoldap ng dalawang nakasakay sa motorsiklo ang ilang lalaking nakatambay lang sa labas ng kanilang mga tahanan.
Ang hindi alam ng dalawang suspek ay isa palang miyembro ng Air Force ang isa sa mga biktima na nakipagbarilan sa mga ito na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa kanila at pagkadakip ng isa pa.
Naalala ko tuloy ang kontrobersiyal na “riding in tandem ordinance” sa aming lungsod na idineklarang ‘unconstitutional’ ng Korte Suprema kasi bago bumaba ang desisyon ng korte, nawala na ang krimen na may kinalaman sa “riding in tandem” dahil mahigpit na ipinatutupad ito ng kapulisan.
