Pulis, 1 pa arestado 990 KILO NG SHABU NASAMSAM SA MAYNILA

PINAKAMALAKING bulto ng shabu na tinatayang halos isang tonelada ang nahuli sa isinagawang anti-drug operation sa lungsod ng Maynila nitong Linggo.

Itinuturing nina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin Jr., na pinakamalaking huli ito ng kapulisan dahil tinatayang umaabot sa P6.7 bilyon ang halaga ng nasamsam na shabu na nakuha sa isang high value target.

“This afternoon will be historic in our country. This is probably the biggest drug haul in the history of the Philippines… Halos isang toneladang droga (o) 990 kilograms of shabu, at about P6.7 billion pesos,” ani Abalos sa isinagawang press conference sa Camp Crame, Quezon City na dinaluhan din ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Ayon kay Brig. Gen. Narciso Domingo, pinuno ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG), isinagawa ang buy-bust operation sa isang lending company sa Jose Abad Santos, Tondo bandang alas-4:45 ng hapon.

Dito nahuli ang isang Ney Saligumba Atadero, 50, residente ng Ermita, Manila at nadiskubre ang may 890 kilos at 102 grams ng shabu.

Sa follow-up operation, nadakip ng mga kasapi ng Intelligence PDEG si Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr.

Nahulihan ang pulis ng dalawang kilo ng shabu na may street value na umaabot sa P13.6 million bandang alas-2:30 ng madaling araw kahapon sa Quezon Bridge, Quiapo, Maynila.

“Sabi ko nga noon, there will be no let up. We don’t care who gets caught and who gets hurt. For as long as we get all the evidence against any suspect in any crime, we will pursue them until the end,” ani PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr.

“We expect yung pagkakahuli ng ating pulis, na kasamahan pa sa PDEG, ay napakalaking breakthrough para sa inyong kapulisan, na ito ay isang halimbawa na we don’t tolerate and will not tolerate any wrongdoing of any policeman under my watch, and of course under the watch of our DILG Secretary,” ani Azurin.

Isa pang  pinaghihinalaang kasabwat ng grupo na kinilalang si Juden Francisco ang nadakip naman sa Rosario, Pasig. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)

758

Related posts

Leave a Comment