Oplan Sagip Kalinga ikinasa DAAN-DAANG BADJAO DUMAGSA SA MAYNILA

SANIB-PUWERSA ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) at mga tauhan ng Manila Police District – Raxabago Police Station sa pagsagip sa 300 indibidwal na pawang mga Badjao noong Sabado ng gabi.

Ito ay kaugnay sa “Oplan Sagip Kalinga” ng pamahalaang lokal ng Maynila alinsunod sa inilabas na Executive Order.

Ayon kay MDSW Director Asuncion “Re” Fugoso, nakatanggap sila ng report kaugnay sa pagdagsa ng mga Badjao na bumabalik sa lungsod sa tuwing magpa-Pasko upang mamalimos sa pangunahing mga lansangan na karaniwang gamit pa ang kanilang sanggol bilang pagmamakaawa.

Dahil dito, nakipag-ugnayan si Fuguso kay Police Lieutenant Colonel  Rosalino Ibay, Jr., commander ng MPD Station 1, upang pangasiwaan ang pagliligtas sa mga Badjao.

Sa isinagawang rescue operation, natuklasan nina Director Fugoso at Col. Ibay na kinukupkop ng ilang mga residente sa Barangay 123 sa Tondo, ang mga Badjao kapalit ng bayad na P50 kada ulo sa isang araw.

Sa pagtataya ni Col. Ibay, kumikita ang mga residenteng naniningil ng upa sa pananatili ng mga Badjao sa lugar ng tinatayang P450,000 kada isang buwan.

“Yung mga kumukupkop, hindi talaga mga taga-Maynila ang mga ‘yan, dumayo lang at nang makapag-settle dito sa Claridel na kilalang squatters area, sila naman ang nagparenta sa mga Badjao,” pahayag ni Col. Ibay.

Sa gitna ng pagsagip sa mga Badjao, natuklasan ng MDSW at pulisya ang nakaririmarim na kondisyon sa naturang lugar na inuupahan ng mga ito dahil kahit saan na lamang ay itinapon ang kanilang mga dumi na panganib din sa kalusugan ng mamamayan sa lugar.

Sinabi pa ng mga opisyal ng MDSW, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga Badjao, lalo na ang mga bata, dahil posibleng mabundol sila sa pagsalubong sa paparating na mga sasakyan sa kalsada para manghingi ng limos.

Nilinaw naman ni Fugoso na hindi isinasailalim sa diskriminasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga Badjao, subalit dahil  nilalabag nila ang umiiral na ordinansa ng lungsod at maging ang Pambansang Batas na nagpaparusa sa mga magbibigay at tumatanggap ng limos, kinakailangan lamang na iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang mga lalawigang pinanggalingan.

Ang mga badjao ay pansamantalang inilagak sa Delpan Complex sa Binondo upang alamin ang kanilang pinanggalingang lugar.

Susuriin at isasailalim sa antigen test ang mga ito bago sila mapabilang sa “Oplan Balik-Probinsya Program” ng lokal na pamahalaan. (RENE CRISOSTOMO)

353

Related posts

Leave a Comment