COLLEGE STUDENT, GRADE 3 PUPIL NALUNOD

CAVITE – Hindi na naisalba ang buhay ng isang 23-anyos na 2nd year college student nang malunod matapos na sumisid sa pitong talampakang lalim ng tubig sa isang resort sa Bacoor City, at isang  Grade 3 pupil na hinihinalang nalunod din sa ilog sa Dasmariñas City, pawang sa lalawigang ito, noong Sabado ng madaling araw.

Naisugod pa sa Cavite East Asia Medical Center ang biktimang si John Daniel Camigla y Delamente ng Brgy. Zapote, Las Piñas City subalit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr. ng Bacoor City Police, nagtungo ang biktima at mga kaibigan nito sa Saulog Resort sa Brgy. Nicolas 1, Bacoor City, Cavite upang maligo.

Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-9:30 ng umaga habang naliligo hanggang sa sumisid ito sa pitong talampakang lalim na pool ngunit napansin na tila nalulunod.

Sinaklolohan ito ng kanyang mga kasama at isinugod sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.

Hinihinalang nalunod din ang biktimang si Mark Aaron Pugong y Disu, 8-anyos, isang Grade 3 pupil, ng Brgy. Aguado, Trece Martires City, Cavite.

Ayon sa ama ng biktima na si Mark Pugong, dakong alas-2:00 ng madaling araw, hinahanap niya ang kanyang anak sa Sitio Pag-asa Bridge sa Brgy. Aguado, Trece Martires City nang mapansin niya ang isang payong sa gilid ng ilog na ginagamit ng kanyang anak. Sa puntong ito, nakita niyang nalunod ang bata.

Isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival. (SIGFRED ADSUARA)

307

Related posts

Leave a Comment