BI OFFICIAL SINIBAK ANG TAUHAN DAHIL BINUKULAN SA KITA?

BISTADOR NI RUDY SIM

BAGONG taon na pero may ilang mga kawani pa rin ng ating pamahalaan ang hindi pa rin makuntento sa kanilang pagpapayaman sa sarili gamit ang pang-aabuso sa kapangyarihan.

Isa na rito ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration na itatago natin sa pangalang alias “Budoy” na ayon sa ating nakalap na impormasyon ay parang batang paslit kung mag-inarte makaraang tapyasan ito ni BI Commissioner Norman Tansingco ng pakpak upang hindi na muling makalipad nang mataas na lumampas na sa kanyang limitasyon.

Minsan nang nag-alsa-balutan pa umano ang kumag na opisyal na ito at nakita ng mga empleyado na hinakot ang kanyang kagamitan dahil sa tapos na ang kanyang maliligayang araw. Aba teka! Eh, bakit kaya ibinalik ang kanyang mga gamit matapos itong maglayas? Hmm… Nagpasaklolo kaya itong si Budoy sa kanyang klasmeyt?

Naging usap-usapan sa ahensya na sa loob ng anim na taong pagkakatalaga ni Budoy sa isang minahan ng ginto sa BI ay pinaniniwalaang kumita umano ito ng daan-daang milyones bukod pa sa kanyang mga mansion, luxury cars at condo units na galing dito?

Tila napasarap at ayaw nang kumawala umano ni Budoy sa kanyang puwesto dahil ayaw nitong mawala ang kanyang kinikita sa BI na halos umaabot sa kalahating milyon kada araw? Wat? May Gad! Bakit kaya nakaligtas ito at hindi naisama na makasuhan sa Pastillas scheme samantalang isa ang opisyal na ito na piniga ang katas ng mga Chinese na dumagsa sa ating bansa sa nagdaang administrasyon.

Gaano kaya katotoo na dalawa sa mga staff ng kumag na si Budoy ang kanyang sinipa sa kanyang tanggapan at nag-Stay Out dahil sa tamang hinala umano nitong siya ay binukulan sa kita? Hindi umano idineklara ng kanyang staff na ang budget para sa kanilang transakyon ay nagkulang? Aba kayo naman kasi gugulangan ninyo ay mas magulang pa sa inyo. May kasabihan nga na ang kalbo ay walang kuto! Gets n’yo? Ala, eh, ‘wag ganu’n.

Buweno, dapat na rin sigurong magtalaga itong si Tansingco ng ibang opisyal para sa naturang posisyon kung nais nitong mabago ang matagal nang kalakaran ng korapsyon sa ahensya. Hindi ba dapat ay isama ang mataas na opisyal na ito sa lifestyle check upang malaman kung inabuso nito ang kanyang kapangyarihan?

Bukod sa pagpapasarap ang ginawa sa buhay ni Budoy ay tila wala rin itong takot sa Diyos sa katakawan umano nito sa laman? Kahit umano may asawa at maging mga pobreng kababaihan na kawani ng BI na makursunadahan nito ay kanyang tinutuhog? ‘Yan ang ating ibibisto sa susunod nating artikulo. ABANGAN!

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang ­SAKSI Ngayon – Patnugot)

275

Related posts

Leave a Comment