DIPLOMASYA SA KALAKALAN

IMBESTIGAHAN NATIN

Ni JOEL O. AMONGO

SA gitna ng usapin sa West Philippine Sea, walang puwang ang digmaan. Sa halip na hidwaan, ang angkop na solusyon ay ang mabuting usapan. Ang tawag d’yan – diplomasya.

Ito mismo ang ipinamalas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang tatlong araw na pagbisita sa bansang Tsina sa hangaring solusyunan ang hindi pagkakaunawaan, kasabay ng pagsusulong ng alyansang pangkalakalan.

Ang resulta – wagi ang Pilipinas na lubhang makikinabang sa nilagdaang kasunduan.

Ang totoo, malaki na ang pinagbago ng Bureau of Customs (BOC). Ang dating kawanihang bantog lamang sa katiwalian, isa nang ahensyang maaasahan. Ang matamlay na koleksyon mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento, sumipa na rin nang husto sa nakalipas na kalahating taon.

Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang sigasig ng BOC para ganap na maiahon ang ekonomiya, kaya naman sinikap ng Pangulo na itulak ang Pilipinas sa direksyong magbibigay muli ng sigla sa kabuhayan ng bansang kanyang pinamumunuan.

Walang dudang nangunguna ang bansang Tsina sa pandaigdigang kalakalan, bagay na nais angkasan ng ating pamahalaan sa bisa ng kasunduang Mutual Recognition Arrangement (MRA) na pinirmahan sa pagitan ng BOC (na kinatawan ni Ruiz) at Yu Jianhua ng General Administration of Customs of the People’s Republic of China, sa harap mismo ng mga lider ng bansang Pilipinas at Tsina.

Pagtitiyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, malaki ang maitutulong ng pinaigting na AEO program sa hangarin ng pamahalaan para sa mas mataas na antas ng kalakalan at malusog na ekonomiya, gamit ang MRA na magbibigay insentibo at iba pang benepisyo sa kasaping estado.

Kabilang sa mga inaasahang benepisyo ng nilagdaang MRA sa Tsina ang mas mabilis na proseso para sa cargo clearance (domestic at overseas), prayoridad sa mga kargamentong boluntaryong isusumite para sa angkop ng inspeksyon, diskwento, at iba pa.

Bahagi rin ng kasunduan ang sabayang pagkilos kontra smugglers.

Hindi ako ekonomista. Subalit kailangan pa bang ma­ging isang dalubhasa para makita ang bentahe ng nasabing kasunduan para sa bansa?

Sa ganang akin, angkop lang ang hakbang ng pamahalaan – umangkas sa patuloy na pamamayagpag ng bansang Tsina sa larangan ng kalakalan.

Bakit kamo? Walang dudang isa sa mga pinakamaunlad – kung hindi man ang pinakamaunlad na bansa sa buong mundo ang Tsina na minsang tinawag na “sleeping giant.”

Pero hindi na “sleeping giant” ang Tsina ngayon. Katunayan, banta ang tingin ng iba pang malalaking estadong daig na ngayon ng Tsina. From dust to diamond, kayang i-supply ng mga Intsik sa mas mababang halaga kalakip ng garantiya ng kalidad sa kanilang binebentang produkto.

Mapa-gadget, sasakyan, industrial equipment, teknolohiya at iba pa, sinusuplay na rin ng Tsina sa halos lahat ng sulok ng mundo.

At ang Pinas? S’yempre, makikinabang tayo dahil sa supply deal ng mga prutas na rito lamang tumutubo, tulad ng durian. Pasok din sa talaan ng ating matagal nang isinusuplay sa bansang Tsina ang saging at iba pang sagana tayo.

Maging sa usapin ng pangisdaan sa West Philippine Sea at joint oil exploration sa teritoryong pinagtatalunan, siniguro at selyado.

‘Yan ang bentahe sa pagkakaroon ng isang pangulong nag-iisip para sa ikabubuti ng bansang sukdulang inilugmok sa mga kaganapan sa nakalipas na tatlong taon.

467

Related posts

Leave a Comment