MGA NAMBASTOS SA ANAK NI ALBAYALDE, PINASISIBAK

albayalde12

(NI JG TUMBADO)

IPINASISIBAK ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa pamunuan ng Clark Development Corporation (CDC) ang kanilang chief security officer at ilang tauhan nito dahil sa pambabastos sa kanyang anak.

Bukod sa paghiling ng agarang aksyon ay pinakakasuhan pa ni Albayalde sa Police Regional Office 3 (PRO3) si retired Police Colonel Romeo Ver, chief security officer ng CDC sa Clark Field, Pampanga.

Ayon kay Albayalde, hindi umano niya nagustuhan ang inasal ni Ver sa pagpapakita nito ng kabastusan sa kanyang anak na si Kevin.

Kwento ng PNP Chief, nagalit umano siya nang malamang sinita ni Ver si Kevin habang ito ay nagpa-park ng kanyang kotse sa labas ng football field sa Clark Freeport Zone nitong Martes ng alas 9:00 ng umaga kasunod ng pagdisarma sa dalawang pulis na itinalaga bilang bodyguard nito.

Mismong si Ver umano ang sumita kay Kevin at nag-utos sa mga security guard nito na disarmahan ang kanyang mga bodyguard na sina Police Master Sergeant Johnny Belinan at Police Corporal Jeffrey Ebreo.

“Nagpakita agad sila ng arrogance, sinigawan nila yun bata at sinabi nila maghintay ka darating na ang ABS-CBN. Ano ang ibig niya sabihin doon? Na-ticketan naman nila yung bata. Nagpakilalang anak ko pero lalo nilang sinigawan. We are checking kung allowed sila magdala ng baril,” ngitngit ni Albayalde.

Dagdag pa ng PNP Chief, hindi pa natapos ang pambabastos ni Ver sa kanyang anak dahil hanggang sa opisina nito ay pinagsisigawan at pinapagalitan pa rin ang kanyang anak maging ang dalawang security aide nito.

Pero batay naman sa naging pahayag ni Ver sa pulisya, napagkamalan lamang umano  nilang Chinese national ang anak ni Albayalde at inakala din nila na ginagamit ang pangalan nito.

Samantala, sinampahan na ng kaukulang mga kaso si Ver at ng ilang tauhan nito ng PRO 3 kaugnay ng pangyayari.
Sinabi ni Police Brig. Gen. Joel Coronel, Region 3 police director, paglabag sa Revised Penal Code, grave coercion, unjust vexation at direct assault upon an agent or a person in authority ang kinakaharap ng mga Ito.

Nabatid na magdya-jogging lamang sana si Kevin sa loob ng football field ng maganap ang hindi inaasahang insidente.

 

557

Related posts

Leave a Comment