KASUNOD ng pagiging kulelat ng Pilipinas sa East at Southeast Asia sa aspeto ng skills o kasanayan, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng pagpapatupad ng mga repormang para maiangat ang pagiging ‘competitive’ ng mga Pilipino.
Batay sa 2023 Global Skills Report ng online learning platform na Coursera na sumaklaw sa 100 bansa, nasa ika-99 na pwesto ang Pilipinas sa aspeto ng skills at proficiency ng mga mag-aaral pagnenegosyo, teknolohiya at data science.
Mula ito sa ika-70 pwesto sa 102 bansang saklaw ng parehong ulat noong 2022.
Bahagi ng pag-aaral ang pagkuha ng skills insights ng 124 milyong mag-aaral na gumagamit ng Coursera kabilang na ang 1.8 milyon mula sa Pilipinas.
Gayunman, nilinaw sa report na naging saklaw lamang ng pag-aaral ay ang rehistradong gumagamit ng Coursera at hindi representasyon ng populasyon ng isang bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang iangat ng mga ipatutupad na reporma ang kakayahan ng mga Pilipino pagdating sa mga aspetong saklaw ng ulat ng Coursera, lalo na’t patuloy ang paggamit ng mga kumpanya ng makabagong mga teknolohiya.
Sinabi ni Gatchalian na bagama’t responsibilidad ng mga higher education institutions ang paglinang sa kakayahan ng mga mag-aaral para sa trabaho, mahalaga anyang papel ng senior high school program upang maging handa sa trabaho ang mga graduates nito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2022, isinusulong ni Gatchalian ang pagtatag ng National at Local Batang Magaling Council upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.
“Sa pagsulong at pagpapatupad natin ng mga reporma sa edukasyon, dapat tiyakin nating hindi mapag-iiwanan ang ating mga kabataang Pilipino pagdating sa kahandaan sa trabaho at sa paggamit ng mga bagong teknolohiya. Tungkulin nating siguruhin na akma ang kanilang mga kakayahan sa kinakailangan ng ating mga industriya,” saad ni Gatchalian.
(DANG SAMSON-GARCIA)
219