PAMILYA NG MISSING SEAMAN UMAPELA NG TULONG SA GOBYERNO

NANAWAGAN sa mga opisyal ng pamahalaan at iba’t ibang ahensyang tumutulong sa mga OFW, ang maybahay ng Pinoy Seaman na iniulat na nawawala sa barko habang naglalayag mula sa karagatan ng France patungong Norway.

Sa panayam kay Daisy San Diego, ang asawa ng nawawalang seafarer na si Vincent San Diego na mula sa bayan ng Tagkawayan, Quezon, sinabi nito na napakahirap ng kanilang kalagayan ngayon na wala silang magawa kundi ang maghintay.

Gusto rin aniya nilang malaman kung ano ang talagang nangyari sa kanyang asawa.

Sa kanilang pagtungo sa tanggapan ng MARINA at sa agency ng kanyang asawa, wala rin silang malinaw na nakuhang kasagutan.

Ayon kay Daisy, makikipag-ugnayan pa lamang ang MARINA sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ganoon din sa mga tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA ) at Department of Migrant Workers (DMW) para hilingin sa mga ahensya na alamin ang pangyayari. Plano rin ni Daisy na pumunta sa mga nasabing ahensya.

Hindi rin naniniwala si Daisy na nagpakamatay ang asawa na siyang sinasabi ng mga kasamahan nito sa barko.

Huli aniya silang nagkausap ng kanyang mister noong June 15 ng gabi, isang araw bago ito iniulat na nawawala, sa pamamagitan ng messenger call, at hindi ito kinakitaan ng anomang problema.

Masaya aniya ang kanyang mister at excited sa nalalapit ng pag-uwi nito.

Ang nawawalang seafarer na si Vincent San Diego ay sumakay sa Norwegian registered cargo vessel noong Nov. 26, 2022 at pauwi na sana ito para magbakasyon ngayong Linggo matapos ang anim na buwang kontrata.

Subalit noong June 16 ng umaga, ayon kay Daisy, isang malungkot na balita ang ipinaabot sa kanila ng agency ng mister na Crystal Shipping Inc. matapos na hindi makapag-report sa duty si San Diego.

Hinalughog na ang buong barko subalit hindi matagpuan ang seaman kaya nagdeklara na ang kapitan na missing si San Diego.

Hiling ng pamilya na matulungan sila ng pamahalaan na magkaroon ng kaliwanagan ang pagkawala ng seaman.

(NILOU DEL CARMEN)

 

463

Related posts

Leave a Comment