2 TIKLO SA PAMEMEKE NG DOKUMENTO

BINITBIT ng mga operatiba ng District Investigation Division 2 ng Special Mayor’ Reaction Team (SMaRT) ang dalawang indibidwal kabilang ang isang babae, sa ikinasang entrapment operation sa kasong pamemeke ng mga dokumento sa isang bahay sa Antonio Rivera Street, Tondo, Manila

Kinilala ang dalawang suspek na sina Ralph Lawrence Doblada, 21, at Liza Lopez, 46, kapwa ng Tondo, Manila.

Batay sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID2- SMaRT, bandang alas-4:00 ng hapon noong Huwebes nang salakayin ang bahay ni Lopez dahil sa “tip” mula sa isang asset, makaraan ang isinagawang surveillance operation ng mga tauhan ni Major Samonte.

Sinalakay ang nabanggit na bahay sa pangunguna ni Police Major Dave Garcia, deputy chief , kasama sina Police Major Val Valencia, Police Captain Edgar Julian, Police Captain Rey Bautista na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek makaraang painan ng P500 marked money.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang PWD ID na nakapangalan sa kliyente nila, isang laptop, printer, typewriter, at iba pang paraphernalia sa pamemeke ng mga dokumento.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 172 (Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents) at Article 176 (Manufacturing and Possession of Instruments or Implements for Falsification).

(RENE CRISOSTOMO)

321

Related posts

Leave a Comment