Nakialam sa kaso ng nobyo LADY JUDGE KAKASUHAN NG OBSTRUCTION OF JUSTICE

LAGUNA – Sasampahan ng kasong obstruction of justice ng Laguna PNP ang isang lady judge na nakialam sa kaso para hindi makulong ang umano ay nobyo nito na nahulihan ng baril sa isang checkpoint sa Calamba City.

Ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, provincial director ng Laguna PNP, ang tinutukoy ay ang isang presiding judge sa isang bayan sa Laguna.

Ayon kay Silvio, ‘very unusual’ sa isang honorable judge na mag-intervene sa kaso kung wala naman itong “personal connection” sa isang suspek.

Nakatakda rin ang pulisya na gumawa ng report sa Korte Suprema upang ipaalam ang umano’y pakikialam ng judge hinggil sa pagkakaaresto sa suspek.

Ayon sa pulisya, Linggo ng gabi noong Hunyo 18 nang masita sa isang routine checkpoint sa Calamba City ang umano’y nobyo ng judge.

Subalit tuluyan itong inaresto matapos na makumpiskahan ng dalawang .45 kalibreng baril na walang lisensya at wala LTOF.

Nagpakita lamang umano ang suspek ng mga PNP ID na napag-alamang mga peke.

Napag-alaman na dating pulis ang naaresto ngunit na-dismiss sa serbisyo noong 2012 dahil sa insidente ng pagsabog ng isang nadiskubreng vintage bomb na pumutok matapos ang maling proseso na ginawa ng kanilang grupo.

Ikinamatay ito ng dalawang pulis at ikinasugat ng iba pa kasama ang dating pulis.

Nang maaresto ito noong Linggo, ilang oras makaraan ay hysterical umanong sumugod sa presinto ang hindi muna pinangalanang lady judge at pilit na pinapaalisan ng posas ang suspek habang pina-process ng mga imbestigador.

Nabalam ang pag-inquest sa suspek at lumagpas sa 36 hours na reglementary period dahil sa pakikialam umano ng judge kaya ang resulta, nakalaya ito.

Sa isa namang video na ipinadala ng isang concerned citizen kay Colonel Silvio, makikita rin ang judge na nakikipagtalo sa mga residente na tila may pinapaalis sa lugar na kanilang tirahan.

Ayon pa sa sender ng video, ang judge din ang naging dahilan kaya nasampahan ng magkakaparehong kaso ang kanyang kapatid na babae sa iba’t ibang korte sa pamamagitan ng mga pekeng dokumento.

Subalit pagkaraan mahatulang guilty ang kapatid ay umapela sila sa Court of Appeals, ngunit isang lalaking judge naman umano ang lumapit sa kanila at humihingi ng halagang P500,000 bawat isang kaso para maareglo ito.

Nagbigay naman ng maiksing pahayag ang judge at itinanggi nito na nakialam siya para makalaya ang nobyo.

(NILOU DEL CARMEN)

342

Related posts

Leave a Comment