INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa ikinasang entrapment operation dahil sa reklamong sextortion, sa isang fastfood restaurant sa Marikina City noong Linggo.
Kinilala ni NBI Chief Medardo De Lemos ang suspek na si Braulio Dominguez Jr., nahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 (Robbery/Extortion) ng Revised Penal Code, Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004), Republic Act 10175 (Cybercrime Law), at RA 9995 (Anti-Voyeurism Law).
Base sa inihaing reklamo ng hindi na pinangalanang babae, nagkaroon umano sila ng suspek ng “romantic relationship”. Hanggang sa madiskubre nito na may pananagutan na ito sa buhay kaya gusto nitong kumalas sa kanilang relasyon.
Gayunman, nagbanta umano ang suspek na kapag hindi sila nagkita ay ibubunyag nito sa social media ang video ng kanilang pagtatalik.
Humingi umano ang suspek ng halagang P200,000 kapalit ng pagbura ng kanilang sex video. Agad naman umanong nagbigay ang biktima ng nasabing halaga.
Ngunit humingi pa rin umano ang suspek ng karagdagang P25,000 naging dahilan upang dumulog ang biktima sa NBI na nagresulta sa pagkakadakip sa lalaki.
(RENE CRISOSTOMO)
