DALAWANG M-16 armalite rifle ang na-recover ng 57th Infantry (Masikap) Battalion mula sa CPP-NPA Communist Terrorist Group kasunod ng sagupaan sa Barangay Batang Bagras, Palimbang, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt. Col. Guillermo Mabute Jr., 57IB commander, habang nagsasagawa ang kanilang tropa ng combat security operations ay naka-engkwentro nila ang isang grupo ng mga komunistang terorista at tumagal ng halos 15 minuto ang sagupaan.
“Agad nagsagawa ng pagsisiyasat sa encounter site ang ating kasundalohan at nadiskubre nila ang naiwang dalawang armas, dalawang magazine, personal na kagamitan, subersibong dokumento at mantsa ng dugo,” pahayag ng 57IB Commander.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng pursuit operations laban sa mga nagsitakas na mga komunistang terorista, ayon kay Brig. Gen. Michael Santos, 603 Bde Commander.
(JESSE KABEL RUIZ)
