TINATAYANG nasa dalawang libong kababayan nating Muslim ang nakiisa sa pagdiriwang ng Eid’l Adha sa Quirino Grandstand sa Maynila kahapon, base sa crowd estimate ng Ermita Station Police.
Ayon sa organizer na si Sultan Suhaili Abangon, naging mapayapa ang pagdiriwang ng Eid’l Adha sa gitna ng pagtitipon ng libo-libong mga kababayan nating Muslim, matapos ang tatlong pandemya.
Nagsimula ang pagdiriwang bandang 6:30 ng umaga, ayon kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, Station Commander ng MPD- Barbosa Police Station 14.
Katuwang nito sa pagtiyak sa seguridad sa paligid ng Manila Golden Mosque sa Quiapo ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez ng Station 3.
Ipinakakat din ang mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) para sa maayos na daloy ng trapiko.
Maging ang mga tauhan ng District Mobile Force Battalion na pinangunahan ni Police Colonel Julius Añonuevo ay kumilos para matiyak ang seguridad sa lugar, gayundin ang buong pwersa ng District Tactical Motorized Riders Unit.
Ang maayos na pagpapatupad ng seguridad sa mga pinagdausan ng aktibidad ay alinsunod sa direktiba ni MPD- Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon, ayon kay Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO).
Kaugnay nito, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng “selflessness at pagkakaisa” sa sambayanang Pilipino lalo na sa Muslim community sa pagdiriwang ng Eid’l Adha.
“I extend my warmest greetings to our Muslim brothers and sisters as they celebrate Eid’ Adha,” ayon sa Pangulo sa kanyang mensahe na ipinaskil sa Facebook page ng Office of the President (OP).
“Let us all be reminded of the importance of sacrifice and selflessness that mirror the essence of this occasion so that we can join hands with our Muslim brothers and sisters from all over the world in the spirit of peace, unity, and mutual respect,” dagdag na pahayag nito.
Idineklara ng Palasyo ng Malakanyang na regular holiday ang Hunyo 28, 2023 sa buong bansa bilang pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
(RENE CRISOSTOMO/CHRISTIAN DALE)
