ASO KINALADKAD SA MOTORSIKLO, MAG-UTOL KINASUHAN

LAGUNA – Sinampahan ng kaso ng isang animal welfare organization ang magkapatid na nakita sa viral video na kumakaladkad sa isang aso habang sakay ng kanilang motorsiklo sa highway sa San Pablo City.

Ayon kay Heidi Caguioa, program director ng Animal Kingdom Foundation, sinampahan nila ng kasong paglabag sa RA 8485 o ang Animal Welfare Act ang dalawa.

Batay aniya sa naturang batas, ipinagbabawal ang pagmamaltrato o ang pag-inflict ng cruelty sa mga hayop.

Base sa video na kumakalat sa social media, makikitang buhay pa ang aso habang kinakaladkad nang patiwarik ng backrider habang tumatakbo ang motorsiklo.

Nakunan ng video ng isang motorista ang insidente noong Biyernes ng hapon, Hunyo 23.

Nakilala at natunton naman ang magkapatid na dalawang lalaki sa pamamagitan ng Dolores Municipal Police Station.

Paliwanag ng dalawa, sila ay dog lovers at pinulot lang nila ang aso sa highway matapos itong masagasaan. Patay na raw ang aso at itinapon na nila sa ilog.

Hinanap pa ng San Pablo City veterinary office ang aso sa ilog subalit hindi na ito matagpuan.

Hindi rin kumbinsido ang animal welfare organization dahil hindi raw gawain ng isang tunay na pet loving citizen ang ganoong pagmamaltrato sa hayop.

(NILOU DEL CARMEN)

295

Related posts

Leave a Comment