SCAMMER SA LUPA SA LIMAY, BATAAN DUMARAMI!

RAPIDO NI TULFO

DINAGSA kami ngayon ng reklamo laban sa mga developer at ahente ng ibinibentang mga lupa.

Isa sa mga nagreklamo ay isang OFW na nakabili ng lupa sa umano’y ahente ng VillaFranca Subdivision sa Limay, Bataan.

Ayon sa OFW, nag-inquire siya sa Facebook page ng nasabing subdivision at nag-message sa kanya ang nagpakilalang ahente ng subdivision.

Matapos magbayad ng aabot sa isang milyong piso, hindi na umano makontak ang kanilang ahente at developer ng subdivision, na nauna na nilang nakaharap sa ginanap na General Assembly ng mga kapwa land buyers noong nakaraang mga buwan.

Hindi na umano malaman ng mga nakabili ng lupa kung ano na ang mangyayari dahil hindi na nila mahagilap ang mga kausap na developer at ahente.

Tanging mga resibo ng mga pinagbayaran o bank transfer receipts ang hawak nila bilang katibayan na nagbayad sila para sa lupang kanilang nabili.

Masaklap ang inabot ng mga kababayan nating naloloko ng mga ganitong uri ng gawain.

Hindi basta-basta ang perang inilalabas para mag-invest sa anomang ari-arian. Pero paano kung ganitong mauwi lamang sa wala ang kanilang mga pinaghirapan.

Sa mga nagnanais na bumili ng lupa, makipag-usap lamang nang personal sa mismong may-ari ng lupa. Tiyakin din sa Registry of Deeds sa munisipyo o city hall na nakasasakop sa property na inyong gustong bilhin kung lehitimong binibenta ang lupain, doon n’yo rin malalaman kung sino ang tunay na may-ari ng lupa.

Pag-ingatan ang inyong pinaghirapang pera upang hindi maloko.

Ilalapit natin sa opisina ng alkalde ng Limay, Bataan ang naturang reklamo upang mahagilap ang opisina o kinalalagyan ng mga taong manloloko na ito.

292

Related posts

Leave a Comment