CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAY kababalaghan bang nangyari sa bidding ng National Irrigation Administration (NIA) nang pinanalo ng Bids and Awards Committee (BAC) ang bidder na kuwestiyonable ang pagiging kontratista?
Hulyo 12, 2023, nagsagawa ng bidding ang NIA at ang bidder ay ang MALGAPO ENTERPRISES, na hindi nagwagi dahil sa kakulangan ng sworn statement at statement sa lahat nilang government and private contracts; ang QSJ MOTORS na nabigo rin dahil sa kakulangan ng certification na ang JIMRICH STORE sa Visayas ang kanilang authorized reseller, binigyan ito ng 3 working days para magsumite ng kanilang Motion for Reconsideration, at ang BBLM UNISTAR na idineklarang panalo sa bidding.
Sasailalim ang nanalo sa pagsisiyasat dahil: una, ang address ng BBLM UNISTAR ay residential o bahay at walang sapat na espasyo para paglagakan o imbakan ng mga supply na nagkakahalaga ng mahigit kalahating bilyong pisong kontrata.
Isasailalim ang nagwaging bidder sa ocular inspection kung kwalipikado bilang single largest contract sa napakalaking halaga ng kontrata. Ang dineklarang single largest completed contract (SLCC) na sumasaklaw sa SINGLE CONTRACT ng BBLM UNISTAR at sa pagitan ng private entity ay mahigit kalahating milyong piso. Sisiyasatin ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para malaman kung ang kanilang deklarasyon sa pagiging largest contract ay nakasaad sa kanilang gross sales sa mga kaukulang taon.
Kailangan din ang ocular inspection para makita kung totoong may mga store sila sa Luzon, Visayas at Mindanao. Bahagi naman ang pagsisiyasat o pagsailalim sa nagwaging bidder sa post qualification bago i-award ang kontrata. Ang Approved Budget for the Contract (ABC) ay P776 milyon. Ang ABC ay budget para sa kontrata na inaprubahan ng head ng procuring entity, na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA). Ang inialok na halaga ng kontrata ng BBLM UNISTAR ay P775.6 milyon kumpara sa inihain ng QSJ MOTORS na P771 milyon.
Kaninong bidder makakatipid ang gobyerno? Teka, may bulong na nakapag-comply raw ang QSJ MOTORS sa paghahain ng kanilang Motion for Reconsideration sa loob ng 3-working days bilang pagpapatunay sa kanilang pagiging LEGIT at kakayahang maipagkaloob ang mga supply at delivery goods. Anong nangyari? Para maalis ang hinala, dapat patunayan kung eligible ang BBLM UNISTAR. Masusing pagbusisi sa post qualification ang kailangan nang mawala ang dudang may nangyari mahika.
