KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
NASA 51% ng mga Pinoy ang naniniwala na wala silang makukuhang benepisyo sa Maharlika Investment Fund na isinusulong gobyerno.
Umabot naman sa 46% ang umaasang makikinabang sila sa Maharlika Investment Bill na nakabinbin sa Kongreso.
Karamihan sa mga Pinoy ay nananatiling walang alam sa isinusulong na Maharlika Investment Fund ng gobyerno.
Sa survey na inilabas ng Social Weather Station (SWS), halos kalahati ng publiko o 47% ng mga Pinoy ang nagsasabing halos o wala silang alam tungkol sa MIF bill.
Nasa 33 bahagdan naman ang nagsabing kakaunti lamang kaalaman nila sa tungkol sa panukala.
Ayon sa SWS, 15% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may kakaunti ngunit sapat na kaalaman sa Maharlika bill at 5% ang mayroong malawak na kaalaman kaugnay dito.
Ang survey ay isinagawa noong Marso 26 hanggang 29, 2023 kung saan sumagot ang 1,200 adult Filipinos.
Ang MIF ay tinututulan ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Gunigundo.
Sa isang pahayag sa national television, sinabi ni Gunigundo na hindi napapanahon ang MIF dahil hirap nga sa pondo ang gobyerno.
Ayon pa sa kanya, saan kukunin ng gobyerno ang gagamiting pondo ng MIF?
May punto po ang sinasabi ni Gunigundo kung saan huhugutin ng gobyerno ang kanilang gagamiting pondo na ilalagay sa MIF.
Ayon pa sa ilang financial expert, ang Maharlika Investment ay katulad ng sugal, paano na kung matalo sa sugal na ito?
Kung ang pera ay magmumula sa Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines at iba pang bangko ng gobyerno, paano na ang mga umaasa dito?
Sabi tuloy ng ating ilang tagasubaybay, parang suntok sa buwan ang MIF na ito.
Sana ikonsidera ng gobyerno ang mga sinasabi ng ilang financial expert tungkol dito.
Paano nga naman kung matalo ang investment na ito? Dahil parang sugal daw ito. Nganga ang mga Pinoy. Esep-esep din minsan, pag may time.
