INDUSTRIYALISASYON ETSA PUWERA SA MAHARLIKA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NGAYONG wala nang atrasan ang Maharlika Investment Fund (MIF) na popondohan ng inisyal na P500 billion, dapat isama ang pagpapatayo ng mga industriya na may malaking return of investment (ROI) na makapagbibigay ng matagalang trabaho.

Kaso, wala tayong naririnig na gagamitin ang MIF para magtayo ng industriya tulad ng paggawa ng sariling brand ng kotse, steel industry at mga pabrika na magpoproseso sa mga agricultural product para maengganyo ang mga magsasaka na magtanim nang magtanim na hindi nag-aalala na mabubulok ang kanilang ani dahil walang bumibili.

Ang tanging naririnig natin na paggagamitan ng pondo o paglalagakan ng puhunan ay ang commercial real estates, foreign currencies, domestic at foreign corporate bonds at imprastraktura na mukhang hindi makapagdadagdag ng trabaho.

Ang kailangan ng isang bansa para umunlad ay industriyalisasyon para dumami ang trabahong papasukan ng mga tao at hindi na kailangang mangibang bansa, at magkaroon tayo ng pagkakataon na mag-export ng mga produktong sariling atin.

Puro raw materials ang ine-export natin kaya kapag ibinalik na sa atin ang finished products ay napakamahal na gayung pwede naman natin itong iproseso dito para tayo na ang mag-export ng finished products pero hindi ginagawa ng gobyerno.

Sabi ko sa sarili ko noong binubuo pa lamang ang Maharlika, baka ito na ‘yung pagkakataon na magkaroon na tayo ng sariling industriya pero nakadidismaya na hindi kasama sa paglalagakan ng puhunan ang pagpapatayo ng mga industriya.

Wala tayong ideya kung anong mga imprastraktura ang paglalagakan ng puhunan sa MIF para pagkakitaan ng gobyerno, dahil hindi naman ito inilatag sa batas. Basta imprastraktura lang ang binanggit at walang inilagay na detalye.

‘Yung corporate bonds at foreign currencies, walang kasiguraduhan kung kikita lalo na’t hindi mapakali ang ekonomiya ng mundo ngayon dahil sa giyera at hindi pagkakaunawaan ng world leaders, kaya delikado ang ilalagak na puhunan.

Mukhang sugal na nga ito na walang kasiguraduhan kung mananalo at kapag natalo, sasabihin nila sa atin na walang suwerte eh.

Wala ring maidadagdag na trabaho ang ganyang mga pamumuhunan para sa mga Filipino lalo na kung ang pera ay ilalabas sa bansa para bumili ng foreign corporate bonds kaya dapat ikonsidera ng mga bubuo sa Maharlika Investment Council (MIC) na maglagak din ng puhunan para sa industriyalisasyon.

Baka puwedeng umpisahan sa paggawa ng makinarya na kailangan ng mga magsasaka upang hindi na nila kailanganin ang malaking pera para makabili ng sariling traktor, reaper, planting machines at kung ano-ano pa na kailangan nila sa pagsasaka.

Ang mauunlad na mga bansa, may pagawaan sila ng mga makina na kailangan ng mga magsasaka nila pero tayo inaangkat pa natin ang mga makinang ito at tanging ang mga may kaya ang nakabibili at ipinarerenta sa mahihirap na mga magsasaka.

Malaki-laking puhunan ang kalahating trilyon kaya dapat gamitin ito sa mga negosyo na may direktang pakinabang ang mga tao. (BERNARD TAGUINOD)

507

Related posts

Leave a Comment