(BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T lugmok sa kahirapan ang mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, mas inuuna pa ng gobyerno ang pagtatayo ng stadium na nagkakahalaga ng P32 bilyon sa Clark, Pampanga.
Tinawag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ‘misplacement of priorities’ ang proyektong ito na itatayo umano malapit sa Clark International Airport sa nasabing lalawigan dahil mas inuuna ito kesa sa pangangailangan ng mamamayan.
“How many public hospitals, schools, or housing projects could be built with P32 billion? It’s like the government is living in their wildest dreams while ignoring the reality on the ground,” ani Brosas.
Ang stadium ay itatayo umano sa 40 ektaryang lupa na gagamitin umano bilang entertainment complex ay inanunsyo ni Clark International Airport Corporation (CIAC) President Arrey Perez kamakailan.
Nakatakdang simulan na umano ang konstruksyon ng nasabing proyekto at target na matapos bago bumaba sa kapangyarihan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa taong 2028.
“Sa panahon kung kailan milyun-milyong Pilipino ang halos wala nang mailagay na pagkain sa mesa, talagang naisipan pa ng gobyerno na maglaan ng bilyon-bilyon para sa isang mega-stadium project na hindi naman mapapakinabangan ng mamamayan,” ayon pa kay Brosas.
Bagama’t itatayo aniya ang stadium sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) kinuwestiyon pa rin ito ni Brosas dahil mas inuuna ng kapakanan ng mga negosyante kesa sa taumbayan
“Hindi natin maaaring payagan na gamitin ang pondo ng bayan para sa mga proyekto na pangunahing pinakikinabangan ng malalaking negosyo habang ang mga tao ang nagdadala ng mga panganib at gastos dito,” pahayag pa ni Brosas.
Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas sa gobyerno na gamitin na lamang ang pondong ito para resolbahin ang problema ng mga Pilipino tulad ng kawalan ng trabaho, serbisyo publiko at reporma sa lupa.
