MANANATILI sa Full Alert Status ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) hanggang alas-12:01 ng madaling-araw ng Nobyembre 3, kahit natapos na ang paggunita ng Undas.
Iniulat ng PNP na tinaasan nito ang bilang ng mga naka-deploy na tauhan mula 141,172 hanggang 166,365 upang matiyak ang seguridad ng publiko sa panahon ng Undas.
Binubuo ang kabuuang deployment ng 78,952 pulis, 20,837 personnel mula sa iba pang yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya, gayundin ng 67,524 force multipliers.
Inatasan ang mga tauhan na magbantay sa mga sementeryo, columbaria, police assistance desk, simbahan, matataong lugar, pangunahing lansangan, mall, shopping center, transport terminal, tourist destination at checkpoint.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakikita ng pagdaragdag ng mga tauhan ang patuloy na pagtataya ng PNP sa galaw ng publiko at pangangailangan sa seguridad at tulong sa mga lugar na dinarayo.
Sa Metro Manila, naitala ang mahigit dalawang milyong bisita sa mga sementeryo, ngunit nanatiling mapayapa ang paggunita ng Undas.
Ayon kay NCRPO Spokesperson Lt. Col. Hazel Asilo, walang naitalang seryosong aberya o insidente, maliban sa isang kasong may kaugnayan sa Safe Spaces Act na kinasangkutan ng isang menor de edad sa loob ng sementeryo.
Wala rin umanong naitalang kaso ng pandurukot o namonitor na banta bago at habang ginugunita ang Undas.
Pinakamaraming bisita ang naitala sa Manila North Cemetery, ayon kay Asilo.
(JESSE RUIZ)
72 