ANG NUTRISYON SA MGA PAARALAN

Psychtalk

Hindi ako mahilig mamalengke pero sinubukan kong ako naman ang mamalengke noong isang araw para malaman kung ano na ang mga presyo ngayon ng mga bilihin.

Palibhasa laki sa probinsya at sanay na nakukuha lang sa bukid o sa likod-bahay ang karamihan ng mga gulay at prutas, medyo nagulat ako na malaki-laking halaga rin ang nakuha sa budget ang mga kagulayan at iba pang plant-based na mga produkto.

“Grabe naman ang mahal!” ‘Yan ang usal ko. “Nahi¬hingi lang ang karamihan ng mga ito!” Pero naisip ko ‘yan dati pa, noong hindi pa nagkakaubusan ng mga taniman para gawing mga subdivision o noong hindi pa masyadong ko¬mersiyalisado ang ating mga buhay at medyo malakas pa ang bayanihan sa mga komunidad.

Ganunpaman, lalo akong napabitaw ng mga salita nang makita ko ang sunud-sunod na posts sa FB ng mga kaibigan tungkol sa mga anak nilang puro nakadamit ng mga gulay at prutas! Pabiro kong sinabi na kaya naman pala nagmamahal ang mga gulay at prutas ngayon ay dahil Nutrition Month at ginagawang kasuotan ngayon ng maraming mag-aaral sa elementarya ang mga ito bilang bahagi ng kanilang selebra-syon.

Pero sa mas seryosong tono, naisip ko na mabuti naman at nagkakaroon ng mga inisyatibo para itaas ang antas ng kamalayan tungkol sa tamang nutrisyon lalo na sa mga pampublikong mga paaralan.

Pansinin natin na maraming bata ang lumalaking ‘di marunong kumain ng gulay o ayaw kumain nito.

Kaya’t siguro mainam na isama na rin sa selebrasyon ang hamon sa mga magulang at guro na pag-aralan o magpakita ng mga malikhaing mga putahe galing sa mga gulay at prutas na magiging kaakit-akit sa mga bata. Idagdag na rin ang pagtuturo ng mga paraan ng pagpapalago ng mga gulay o halaman kahit sa mga maliliit na espasyo sa gilid o sa likod-bahay ng kada pamilya.

Sa ganitong mga paraan, matitiyak natin na talagang tamang pagkain ang nakakain ng mga bata sa mga paaralan at hindi ‘yung mga puro junk food na madaling ihanda at ‘di maitatangging mas mura gaya ng instant noodles na puno ng additives. Pinatunayan na ng mga pag-aaral na mabilis din itong makapurol ng utak. (Psychtalk /EVANGELINE C. RUGA, PhD)

273

Related posts

Leave a Comment