KREDIBILIDAD NG SENADO KWESTYUNABLE NA!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KAILANGAN nang ayusin ng Senado ang kanilang hanay sa lalong madaling panahon.

Hindi na kumpyansa ang mamamayan sa pamunuan ng Senado dahil sa patuloy na nagaganap na sarswela sa kanilang hanay.

Nangyari lang naman ang gulong ito noong araw na dadalhin na sa Senado ang Articles of Impeachment para kay Vice President Sara Duterte.

Bakit kailangang ipagkanulo ng ilang senador ang kanilang paninindigan at kredibilidad sa panahong ito?

Masyadong “obvious” ang ginagawang delaying tactics ng mga senador sa dapat ay umaandar nang imbestigasyon, na naantala dahil sa walang katapusang girian ng bagong mayorya at minorya.

Kung susundin lang nila ang patas at transparent na Rules of Impeachment ay wala akong nakikitang dahilan para ma-delay pa ito.

Pero ‘yun nga, ang pagbabago ng rules ng Senado ay hindi basta-basta.

Nagiging magulo ang mga senador dahil lumalabas na may pinoprotektahan ang ilan sa kanila, lalo na ang Senate president.

‘Wag namang masyadong garapal dapat ang mga senador na gustong proteksyunan ang ilang kaalyado nilang senador. Senador sila ng bayan, hindi tagapagtanggol ng mga kasamahang may kaso, at lalong hindi sila mga tagapagtanggol ng mga Duterte.

Ihain sa Kongreso ang mga ebidensya upang mapatunayan kung talagang nagkasala ang bise presidente o hindi, nang sa ganoon ay makausad na tayong lahat sa mas napapanahong mga bagay.

92

Related posts

Leave a Comment