TARGET ni KA REX CAYANONG
ANG matagumpay na mass withdrawal of support ng mga dating sumusuporta sa mga grupong iniuugnay sa kilusang komunista sa Nueva Ecija ay isang mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan at kaunlaran.
Sa likod ng tagumpay na ito ay ang dedikasyon ng mga taong nagsikap na mailapit muli ang mamamayan sa pamahalaan, kabilang si Darrel “Manong DM” Morales.
Hindi maikakaila ang naging mahalagang papel ni Morales sa pagbibigay ng direksyon at pag-asa sa mga dating sumusuporta sa makakaliwang grupo. Sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, naging daan siya upang muling mabuo ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.
Kasama rin sa nagtaguyod ng programang ito sina PMAJ Marlon Landong, company commander ng Regional Mobile Force Battalion 3, at PLTCOL Edilmar G. Alviar, Battalion Commander ng 303rd Maneuver Company. Ang kanilang sama-samang pagsisikap ay nagbunga ng pagbabalik-loob ng humigit-kumulang 15 miyembro ng isang samahang magsasaka sa Central Luzon.
Sa panahon na patuloy na hinaharap ng bansa ang hamon ng insurhensiya, mahalaga ang mga lider na mas pinipili ang dayalogo at pagkakaisa kaysa hidwaan. Ipinakita ni Manong DM Morales na ang tunay na pagbabago ay nakakamit sa pamamagitan ng pakikinig at pag-unawa sa hinaing ng mga tao.
Kapuri-puri rin ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga nagbalik-loob. Ang pagkakaloob ng pinansyal na ayuda at pangkabuhayang suporta ay malinaw na patunay na hindi lamang sila hinihikayat na bumalik sa gobyerno kundi tinutulungan ding magsimula ng panibagong buhay.
Mahalagang hakbang ang pagbibigay ng puhunan para sa maliliit na tindahan at iba pang kabuhayan. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng pagkakataon ang mga dating tagasuporta ng makakaliwang grupo na magkaroon ng matatag na pinagkakakitaan para sa kanilang pamilya.
Ang ipinamahaging grocery packages ng RMFB 3 ay dagdag na patunay ng malasakit ng mga nagpapatupad ng programa.
Sa maraming pagkakataon, ang kahirapan at kakulangan ng oportunidad ang nagtutulak sa ilan na mapalapit sa mga grupong lumalaban sa gobyerno. Kaya naman ang pagbibigay ng alternatibong kabuhayan ay isang mabisang paraan upang maiwasan ang muling pagbalik sa dating sitwasyon.
Hindi lamang bilang tagapangulo ng oath-taking ceremony nakita ang ambag ni Manong DM Morales. Higit pa rito, naging simbolo siya ng pagkakaisa at ng paniniwalang may mas magandang kinabukasan para sa mga nais magbago.
Kapag nagtutulungan ang pamahalaan, kapulisan, at mga lokal na lider, mas nagiging posible ang pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan.
Nararapat lamang kilalanin ang mga pagsisikap nina Darrel “Manong DM” Morales, PMAJ Marlon Landong, at PLTCOL Edilmar G. Alviar sa pagsusulong ng pagkakaisa at kaunlaran sa kanilang lugar.
80 