KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nito ang referral mula sa Presidential Communications Office (PCO) kaugnay sa social media posts na nagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Korte Suprema.
Ito ay matapos iulat na apat na vloggers na gumagamit ng Facebook accounts na KaChizmaze, Booc TVs, Cris Lademora at Lenny Quirz/Linie Quirong ang nagpakalat ng impormasyon na umano’y naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court upang pigilan ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, natanggap na nila kahapon ang referral mula sa PCO at agad itong ire-refer sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon at kaukulang aksyon.
Kabilang umano rito ang posibleng case build-up para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot.
Nauna nang nagbabala si PCO Secretary Dave Gomez na seryosong offense ang pagpapakalat ng fake news gaya ng hindi totoong Supreme Court ruling para lamang sa views, engagement at monetization sa social media.
Matatandaang hiniling ng Presidential Communications Office sa DOJ na magsagawa ng masusing pagsusuri at magsampa ng kaukulang kaso laban sa apat na Facebook accounts dahil sa umano’y pagpapakalat ng pekeng pahayag na ipinatigil ng Korte Suprema ang pag-aresto kay Dela Rosa.
Ayon sa Anti-Fake News Desk (AFND) ng PCO, malinaw umanong maling impormasyon ang kumalat na nagsasabing may kautusan ang Korte Suprema na pumipigil sa mga awtoridad sa pag-aresto o pagsuko kay Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC).
Samantala, muling iginiit ni Gomez ang kampanya ng administrasyon laban sa disinformation at nagbabala sa mga content creator laban sa pagpapakalat ng imbentong court decisions na ipinapakita bilang factual reports.
“We warn vloggers and users of social media platforms: do not exploit public confusion for views, engagement, or monetization by spreading false news. Fabricating a Supreme Court ruling and presenting it as news is a serious offense,” diin ni Gomez.
24-Oras Pagtugis kay ‘Bato’
Sa kabilang dako, siniseryoso ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng lead sa posibleng kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., “round-the-clock” o walang tigil ang paghahanap ng lahat ng unit ng Pambansang Pulisya kay Dela Rosa at iba pang wanted persons.
Sinabi ni Nartatez na bawat police station ay may subpoena server o warrant server habang hanggang provincial level at national headquarters, kabilang ang national support units, ay may mga team na handang magpatupad ng warrants of arrest.
Dahil dito, hindi na umano kailangan pang bumuo ng hiwalay na tracking team para sa senador.
Bagaman mayroon nang leads, tumanggi naman ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magbigay ng detalye upang hindi makompromiso ang operasyon.
Samantala, pinuri rin ng PNP ang CIDG dahil sa maayos at mapayapang pagpapatupad ng pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay Nartatez, patunay ito ng pagsunod sa legal na proseso dahilan upang maging matagumpay ang operasyon.
Makikita rin ang mga operatiba ng CIDG, sa ilalim ng direktiba ni PGen. Nartatez, na nagtungo sa Senado matapos makuha ang warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division.
Pinuri rin ng ilang netizens ang PNP sa matatag nitong pagpapatupad ng warrant of arrest nang walang kinikilingan at walang kinatatakutan.
(JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE/TOTO NABAJA)
75 