Cayetano Leadership, hinarap agad ang impeachment at flood control probe

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

HUMARUROT agad ang bagong liderato ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano. Hindi alintana ang mga batikos, dalawang mahahalagang usapin ang agad nitong tinutukan: ang mainit na impeachment proceedings at ang muling imbestigasyon sa bilyon-bilyong pondo ng flood control.

Siyempre, dahil nasa Pilipinas tayo, awtomatiko ang mga kritiko—duda at intriga agad ang inuna, nang magkaroon ng Senate leadership change.

Kesyo may “hidden agenda” raw, may lutuan, o panggigipit sa pulitika. Ang bilis nating mag-conclude, ‘di ba? Pero bago tayo magpadala sa mga haka-haka at chismis sa tabi-tabi, mas maganda sigurong latagan muna natin ng resibo ang taumbayan kung ano na ba talaga ang totoong nagawa.

Hindi rin biro ang sitwasyong nadatnan ng bagong liderato.

Sa mga nakaraang linggo, tila kinubkob ng krisis at tensyon ang Senado. Kasabay ng pagdating ng impeachment articles mula sa House of Representatives ay umugong din ang usapin ng destabilization at mga alegasyon ng kudeta. May bantang pagsasampa ng kaso laban sa ilang miyembro ng mayorya, at may girian sa pagitan ng iba’t ibang bloke ng mga senador. Sa madaling salita, hindi simpleng transition ang hinarap ni Cayetano kundi isang Senado na nasa gitna ng political siege.

Pero sa halip na matulala o magpatianod sa ingay ng pulitika, agad na gumalaw ang bagong liderato.

Sa usaping impeachment, hindi nagpatumpik-tumpik ang liderato ni Cayetano. Hindi ito ibinaon sa limot, hindi pinatagal sa kung anong komite, at lalong hindi inatrasan. Nang makarating ang mga artikulo ng impeachment sa Senado, agad na ginalaw ang makinarya para masigurong handa ang Senado na gampanan ang kanilang papel sa ilalim ng Konstitusyon.

At aminin natin, ganyan naman talaga ang inaasahan natin sa kanila bilang mga halal ng bayan.

Hindi na rito usapin kung pabor ka o kontra sa napatalsik o patatalsikin na opisyal. Ang punto rito ay ang batas. Ang Konstitusyon mismo ang nag-atas sa Senado na maging isang “Impeachment Court.” Ang trabaho nila ay hindi para takasan ang proseso o sumuko dahil lang naiipit sa pressure ng pulitika. Trabaho nilang tanggapin ang kaso, ayusin ang rules, himayin ang bawat ebidensya, pakinggan ang depensa at ang panig ng taga-usig, at magdesisyon base sa kung ano ang legal at tama.

Sa mabilis na pag-usad nito, malinaw na hindi matatawagan ng “tamad” o “duwag” ang bagong liderato.

Kasabay ng ingay ng impeachment, binuweltahan din ng bagong Senado ang isang isyung bawat Pilipino ay apektado—ang baha.

Bumuo ng isang dedikadong flood control subcommittee sa pamumuno ni Senador Rodante Marcoleta. Noong una pa lang, malinaw na ang mandato: walang “sacred cows,” walang protektadong interes, at walang exempted sa imbestigasyon.

Kung matatandaan, sinuspinde noon ni dating Senador Panfilo Lacson (na dating namumuno sa Blue Ribbon Committee) ang imbestigasyong ito sa flood control fiasco. Ang masaklap, nakatengga at amag na ang partial report dahil kulang sa pirma ng mga senador para pormal na mai-sponsor sa plenaryo. Pero ngayon, binuhay ni Cayetano. Ang pangako niya: magiging patas ang imbestigasyon at ang “buong katotohanan” ang lalabas—hindi lang kalahating katotohanan, at lalong hindi kasinungalingan.

Tama naman. Kung mag-iimbestiga, huwag mamili ng administrasyon, huwag mamili ng ahensya, at huwag titingnan kung kapartido o kalaban sa pulitika. Ang perang nawawala at nasasayang ay pera ng taumbayan. Hindi ‘yan pamumulitika; ang tawag diyan ay pananagutan!

Sa dulo, ang bagong mayorya sa ilalim ni Cayetano ay hindi huhusgahan sa kung sinu-sinong sikat na politiko ang nagtahi ng kanilang alyansa.

Huhusgahan sila kung paano nila reresolbahin ang impeachment at ang isyu sa baha. At sa ngayon, nakikita nating hinaharap nila ito nang direkta sa halip na magbulag-bulagan. Karapat-dapat naman silang bigyan ng tsansa.

Pagod na, asang-asa, at sawang-sawa na ang mga Pilipino sa walang katapusang bangayan at drama sa pulitika. Ang gusto ng ordinaryong Juan at Maria: resulta, totoong serbisyo, at mga institusyon ng gobyerno na talagang nagtatrabaho.

Kaya hamon din ito para sa mga nasa minorya (minority). Tantanan na ang ugali na sa bawat galaw ng mayorya ay nakakikita kayo ng multo ng sabwatan o krimen. Hindi porke nagbalasa ng mga komite o nagpalit ng mga pinuno ay “power grab” o “atake sa demokrasya” na agad. May tinatawag tayong “majority rule.” Kaya nga sila naging mayorya dahil sila ang may boto para mag-organisa ng Senado at magtakda ng priority. Ganyan ang laro ng demokrasya.

Ang totoong tanong na dapat nating bantayan ay ito: Paano ba gagamitin ang kapangyarihang iyan?

Kung gagamitin ng grupo ni Cayetano ang pwesto para masigurong patas, malinis, at walang kinikilingan ang impeachment, sige, palakpakan natin. Kung ang subcommittee ni Marcoleta ay magsasagawa ng totoong paghimay kung saan napunta ang buwis natin para hindi tayo laging lumalangoy sa baha, salubungin natin ng papuri.

Kung magkamali sila, sige, punahin ng minorya. Kung may abuso, ibunyag at isigaw. Pero sana, ang kritisismo ay ibatay sa katotohanan at resulta, hindi sa hinala at sariling interes.

Deserve ng mga Pilipino ang mas matino kaysa walang katapusang teleserye sa pulitika. Deserve natin ang Senadong hinahayaang magtrabaho at hinuhusgahan base sa kanilang Deliverables. Bago natin sabihing bigo sila, bago natin lagyan ng malisya ang bawat hakbang, baka pwedeng patrabahuhin muna natin ang Senado?

82

Related posts

Leave a Comment