WALANG basehan ang tila pinangangambahan ni Vice President Sara Duterte na security threats laban kay dating pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sakali’t mapabalik ang huli sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinagot ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang tila pagkukumpara ni VP Sara sa amang si Digong kay dating senador Ninoy Aquino.
Bahagi ng talumpati ng Bise Presidente sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands na binalaan umano niya ang ama na maaaring matulad kay Ninoy na pinatay nang magpumilit bumalik sa Pilipinas.
Nagpahayag naman ng pag-aalinlangan at pagdududa si Castro sa pangamba na inihahayag ngayon ng pamilya Duterte at kinuwestiyon ang pinagmulan ng kuwento.
Tinukoy rin ni Castro ang naging pahayag ni VP Sara na may banta sa kanyang buhay noong kasagsagan ng girian nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Castro na wala ngang naipakitang ebidensya si VP Sara sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa security risks sa kanya at sa kanyang ama.
“So, saan lamang po ito nakukuha, kailangan po natin kasi na mga materyales na mga ebidensiya bago po magsagawa ng ganitong mga klaseng statements, wala pong katotohanan iyan,” diing pahayag ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
