PINATITIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na palakasin pa ang kakayahan ng sektor ng edukasyon upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga mag-aaral tuwing may krisis o aberya, tulad ng suspensyon ng face-to-face classes bunsod ng tatlong araw na transport strike.
Ayon kay Gatchalian, bagamat naiwasan ng mga mag-aaral at guro ang abala dulot ng tigil-pasada, ipinakita rin nito ang matagal nang kahinaan ng sistemang pang-edukasyon sa gitna ng krisis.
Iginiit ng senador na hindi dapat natitigil ang pag-aaral sa tuwing may ganitong mga hamon, kaya’t kailangang palakasin ang paggamit ng alternative delivery modes sa mga paaralan.
Binigyang-diin ng senador na kailangang pabilisin ang digitalisasyon ng edukasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante at gawing mas episyente ang mga proseso sa paaralan.
Hindi anya maaaring manatili sa dating nakagawian ang pagtugon sa mga hamon sa edukasyon, lalo na’t patuloy pang lumalala ang krisis sa sektor na ito.
Ipinaalala ng senador na hindi lamang kapakanan ng mga estudyante ang dapat isaalang-alang, kundi maging ang pagpapatuloy ng kanilang pagkatuto.
(Dang Samson-Garcia)
