AYUDA GAMIT NA GAMIT NG MARCOS, ROMUALDEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PINUNA ng isang political strategist ang paggamit ng administrasyong Marcos sa ayuda bilang propaganda.

Hindi lamang ang political strategist na si Malou Tiquia ang pumuna sa paggamit umano ng magpinsang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez sa ayuda. Nauna nang naghayag ng kanyang pagkadismaya rito ang nakababatang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Tiquia, gamit na gamit ng administrasyon ang ayuda sa propaganda upang ipakita ang kanilang lakas.

“Nagkamali ang administrasyong ito na gamitin ang ayuda bilang propaganda para sa pagpapakita ng lakas ng kanilang administrasyon,” aniya sa isang panayam.

Sa kanyang programa sa SMNI, sinabi naman ni dating Presidential Legal Counsel and Presidential Spokesperson Salvador Panelo na isinusuka na ng taumbayan ang estilo ni Romualdez.

“Kahit anong ilagay nilang pangalan dyan alam nila (taumbayan) iyang perang yan.. pinambili nyan, unang-una kung ‘yan ay galing sa gobyerno, ibig sabihin galing sa taumbayan na binabalik lang sa kanila. Kung ‘yan naman ay nakaw, ganundin dahil ninakaw sa gobyerno galing din sa taumbayan ang perang ninakaw kaya ibinabalik din sa kanila,” ani Panelo.

Matatandaang binanatan ni Davao City Mayor Baste Duterte si Romualdez dahil sa malinaw umanong paggamit nito sa ayuda para sa pansariling interes.

Sa Hakbang ng Maisug Prayer Rally sa Cebu City noong Pebrero, hinamon pa niya si Romualdez na tanggalin ang pangalan sa mga ipinamamahaging ayuda.

“Sige, lokohin niyo pa kami! Lokohin niyo pa kami!” may himig ng paghahamon na pahayag ni Duterte patungkol kay Romualdez.

Nakarating umano sa kaalaman ng alkalde na tadtad ng pangalan ng lider ng Kamara ang mga ayudang pinamigay sa mga biktima ng pagbaha sa Davao Region.

“Sa sunod na may sunog, sige hinahamon kita! Magbigay ka ng ayuda na walang pangalan at mukha mo! Sige?” aniya.

Kamakailan lang, pinag-usapan din sa social media ang mga larawan ng Romualdez rice na ipinamamahagi umano ng kampo ng House Speaker.

Maraming netizens ang tumaas ang kilay dahil malinaw anilang maaga itong pangangampanya. Ngunit ang pinakamahalagang tanong anila ay kung saan galing ang pondong ibinili ng bigas at anong kalidad nito.

Kung nagmula anila sa sariling pera ni Romualdez ay walang problema ngunit kung galing sa kaban ng bayan ay malinaw na isang uri ito ng korupsyon.

Agad namang naglabas ng paglilinaw ang tanggapan ni Romualdez at itinangging nanggaling sa kanila ang ipinamamahaging bigas.

189

Related posts

Leave a Comment