PINUNA sa Kamara ang magkaibang presyo ng biniling COVID-19 test kit ng nakaraang administrasyon bagaman pareho ang brand.
Sa pagpapatuloy ito ng imbestigasyon ng House committee on appropriations sa performance ng Department of Health (DOH) at sa P47.6 billion na inilipat ng ahensya sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Napansin ko po may mga pagkakataon na pare-pareho ang test type, pare-pareho ang brand, pero iba-iba ang naging presyo, and the price difference was as high as about P500. For example, may price difference na P2,083 versus P1,562,” puna ni Marikina Rep. Stella Quimbo, presiding chairman ng nasabing imbestigasyon.
Tinangkang idepensa ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na nagsilbing special adviser ng National Task Force Against COVID-19 sa nakaraang administrasyon na nagbabago ang presyo ng testing kit noong kasagsagan ng pandemya.
“So, I guess we need to look at the date that some items are procured because they were changing the cost as the pandemic was ongoing,” ani Herbosa na inayunan naman ni dating Secretary Francisco Duque III.
Gayunpaman, hindi nakasaad sa isinumiteng procurement list ng DOH sa komite kung kailan binili ang mga testing kit.
“Inisa-isa po natin ang items dito sa listahan ng mga prinocure, napansin po natin na may iba-ibang cases and this is the third case. The third case is the situation where pareho-pareho ang brand, pero bakit ang laki po ng disparity in price?” ayon pa kay Quimbo. (BERNARD TAGUINOD)
