BAGONG LAKAS PARA SA ERC, PANALO PARA SA KONSYUMER—PHILRECA AT APEC

TARGET  ni KA REX CAYANONG

ISANG mahalagang tagumpay para sa sektor ng enerhiya at sa sambayanang Pilipino ang pagkakapasa ng House Bill No. 11373 sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Layunin ng panukalang ito na buhaying muli at palakasin ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng mas malinaw, mas malawak, at mas mabisang kapangyarihang makapag-regulate.

Isa itong hakbang tungo sa isang mas mabilis, makatarungan, at makataong serbisyong elektrikal sa bansa.

Ayon kay Assistant Minority Leader Sergio Dagooc ng APEC Party-list, higit 70% ng problema sa sektor ng enerhiya ay nag-uugat sa mabagal na proseso ng ERC.

Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, matutuldukan na ang mga pagkaantalang matagal nang pasanin ng mga konsyumer at kooperatiba.

Hindi lamang ito administratibong reporma kundi ito ay isang panlipunang katarungan para sa mamamayang matagal nang naiiwan sa dilim—literal at simboliko.

Sinang-ayunan ito ni Deputy Minority Leader Presley De Jesus ng PhilRECA Party-list, na nanindigang magdudulot ito ng mas transparent, mas accountable, at mas responsableng ERC.

Nabatid na ang mga benepisyong idudulot ng panukalang ito ay mararamdaman ng mga nasa laylayan—lalo na sa mga lugar na matagal nang naghihintay ng abot-kayang kuryente at maayos na serbisyo.

Bukod sa reorganisasyon ng ERC, nakapaloob din sa House Bill 11373 ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga kumpanya o entidad na lalabag sa mga alituntunin, gayundin ang pagtalaga ng mas malinaw na panahon para sa pagproseso ng aplikasyon tulad ng Certificates of Compliance (COC) at Power Supply Agreements.

Ang pagkakaroon ng sariling pondo ng ERC mula sa bahagi ng kita nito ay magpapalakas din sa kanilang kapasidad upang magpatuloy ng pagsasanay at magtalaga ng mga eksperto na pasok sa pandaigdigang pamantayan.

Siyempre, ang pagbabagong ito sa ERC ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa hinaharap—isang pundasyon ng maaasahan, makatao, at makatarungang sektor ng kuryente. Dapat kilalanin at pasalamatan ang APEC at PhilRECA Party-list sa patuloy nilang pagtataguyod ng interes ng taumbayan, lalo na sa mga probinsya at malalayong lugar.

Sa tulong ng panukalang ito, isang panibagong yugto ng pag-asa ang sisindihan sa bawat tahanan.

29

Related posts

Leave a Comment