1 PATAY, 4 SUGATAN SA PALIKONG KALSADA

CAVITE – Patay ang driver ng isang sasakyang Mazda habang sugatan ang tatlong sakay nito nang bumangga sa isang puno sa palikong bahagi ng kalsada saka muling bumangga sa isang motorcycle rider na ikinasugat din ng huli, sa Trece Martires City noong Lunes ng gabi.

Naisugod pa sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital (GEAMH) ang biktimang si Bryce Lemuel Mesina y Lacson, nasa hustong edad, subalit idineklarang dead on arrival, habang nilalapatan ng lunas sa Gen. Tri Medical Center ang tatlong pasahero nito na dalawang lalaki at isang babae na hindi pa nakuha ang pagkakakilanlan.

Nilalapatan din ng lunas sa GEAMH ang driver ng motorsiklong Yamaha Nouvo na si Alvin Austria Guiaoy Reyes, nasa hustong edad, residente ng Brgy. Bagtas, Tanza dahil sa mga sugat sa katawan.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Bryan Jay M. Comia ng Trece Martires City Police Station, dakong alas-9:00 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Minamaneho ni Mesina ang kanyang Mazda 3 Sedan na may plakang ZKW 541, habang binabagtas ang kalsada na sakop ng Brgy. Cabezas, Trece Martires City patungo sa direksyon ng Brgy. Hugo Perez.

Ngunit pagsapit sa isang kurbadang bahagi ng kalsada sa tapat ng La Paz Homes Subdivision, nang umano’y nawalan ito ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga sa isang puno sa gilid ng kalsada.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga sa puno, patuloy pa rin ang pag-andar ng kanyang sasakyan at bumangga sa isang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Reyes na binabagtas ang opposite direction. (SIGFRED ADSUARA)

242

Related posts

Leave a Comment