1 PATAY SA NABUWAL NA NARRA, 1 PATAY RIN SA ROCKSLIDE SA ILOILO

NAMATAY ang isang 46-anyos na tricycle driver habang sugatan ang pasahero nito nang mabagsakan ng nabuwal na puno ng narra habang bumibiyahe sa Gen. Trias City, Cavite noong Sabado ng hapon.

Isinugod sa Gen. Trias City Medicare Hospital ang biktimang si Abelardo Garcia Adriano, 46, subalit hindi umabot nang buhay, habang sa Gen. Trias Medical Center naman isinugod ang pasahero nito na si Bonn Carlo Rubia, 20, dahil sa sugat sa katawan.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Tierra Nevada Road, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite habang minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle at pasahero nito si Rubia.

Habang binabagtas ang nasabing lugar nang mabuwal ang isang narra tree sa mismong tricycle na minamaneho ng biktima naging dahilan ng pagkamatay ni Adriano at pagkasugat ng pasahero nito.

Samantala, patay rin ang isang 19-anyos na dalaga habang sugatan ang kapatid nito nang mabagsakan ang kanilang bahay ng malaking tipak ng bato na nalaglag mula sa rockslide sa Brgy. Sulangan, sa bayan ng Dumangas, sa lalawigan ng Iloilo, noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktimang namatay na si Keisha Alimas, ng nasabing lugar.

Ayon sa report ng Dumangas MDRRMO, naghuhugas ng pinggan ang biktima nang bigla na lamang mabagsakan ng bato ang parteng kusina ng bahay. Nagiba ang kusina at kasamang natabunan ng mga gumuhong bato at lupa ang biktima.

Habang nasugatan ang 10-anyos na babaeng kapatid ng biktima matapos tamaan ng maliliit na piraso ng mga bato.

Ayon sa nakaligtas na mga kapamilya, may narinig silang ingay na nagmumula sa pagbagsak ng maliliit na bato kaya agad silang lumabas ngunit naiwan si Keisha hanggang sa tuluyang gumuho ang bahagi ng kabundukan na nasa gilid lamang ng kanilang bahay.

(SIGFRED ADSUARA/NILOU DEL CARMEN)

 

270

Related posts

Leave a Comment