1 SUGATAN, 2 SUNDALO HULI SA INDISCRIMINATE FIRING

DALAWANG sundalo ang itinuturo ng Philippine National Police na sangkot sa kaso ng indiscriminate firing, bukod pa sa dalawang sibilyan.

Sa datos ng PNP, may apat na insidente ng indiscriminate firing noong Disyembre 25, araw ng Pasko, sa Northern Samar, Abra at Leyte.

Dalawa sa mga sangkot sa ilegal na pagpapaputok ay mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at dalawa naman ang sibilyan na pawang nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis matapos maaresto.

Pawang nahaharap ang mga ito sa reklamong illegal discharge of firearms, at alarm and scandal.

Samantala, isang trese-anyos na   binatilyo ang tinamaan ng ligaw na bala sa Maramag, Bukidnon noong bisperas ng Pasko, habang nanonood sa party ng kapitbahay.

Bigla umanong sumakit ang kaliwang kamay nito at dumudugo kaya agad isinugod ang binatilyo sa ospital kung saan kailangan itong operahan.

“Nakuha na po ‘yung slug… ifo-forward natin ‘yon sa forensic laboratory ng Bukidnon Provincial Police Office for ballistic examination,” ani Maramag police officer-in-charge, Lt. Col. Julius Macariola IV.

Magugunitang una nang nagbabala si Philippine National Police chief, Gen. Rodolfo Azurin laban sa indiscriminate firing.

Iginiit ni Azurin na kung mahuli sa indiscriminate firing ang sibilyang may baril ay maaaring magresulta ito sa habangbuhay na pagkakansela ng lisensiya para magmay-ari ng baril.

Binalaan din ni Azurin ang mga pulis na maging responsableng gun owner at iwasan ang gun firing sa pagsalubong ng Bagong Taon, lalo’t hindi ulit lalagyan ng tape ang baril ng mga pulis

Samantala, muling pinaalalahanan ng PNP ang kanilang mga tauhan na maging responsable sa paggamit ng baril.

Nagbabala rin ang PNP sa mga pribadong gun owner na huwag masangkot sa indiscriminate firing kung ayaw nilang matanggalan ng lisensya. (JESSE KABEL RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment