CAVITE – Namatay ang driver ng isang motorsiklo at angkas nitong babae habang kritikal ang isa pang angkas nang nawalan ng kontrol sa sasakyan at bumangga sa isang konkretong poste sa Imus City, noong Martes ng umaga.
Naisugod pa sa Ospital ng Imus ang mga biktimang sina Vincent Juarez Reyes, 42, may asawa, ng Bacoor City, at Jessica Cinco Catayas, 42, tubong Davao City, subalit idineklarang dead on arrival
Ang isa pang angkas na kinilalang si Rhea Cosip, tinatayang 30 hanggang 40-anyos, ay nilalapatan ng lunas sa Our Lady of Pillar Hospital.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. John Carlo Punzalan ng Imus City Police Station, dakong alas-7:30 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Minamaneho ni Juarez ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio at angkas sina Catayas at Cosip habang binabagtas ang kahabaan ng Poblacion 4B patungo sa direksyon ng Binakayan nang nawalan umano ng kontrol ang driver sa manibela nang pumaling pakaliwa at bumangga sa isang konkretong poste.
Bunsod nito, pawang tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo na nagresulta sa pinsala sa kanilang katawan.
Pawang isinugod sa ospital ang tatlo subalit hindi umabot nang buhay sina Reyes at Catayas. (SIGFRED ADSUARA)
189