2 PATAY, 1 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 4 TRUCK SA QUEZON

QUEZON – Dalawa ang patay habang isa pa ang sugatan matapos na araruhin ng isang wing van truck ang tatlong kasalubong na kapwa truck sa pababang bahagi ng Pagbilao-Atimonan diversion road sa Brgy. Sta Catalina sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, dakong alas-8:45 noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga namatay na sina Romeo Dela Cruz Nazar, 60, driver ng wing van truck, ng Sta. Rosa City, Laguna, at Bernardo Baynado Diolta, 43-anyos, pahinante, ng Jose Panganiban, Camarines Norte.

Kapwa idineklarang dead on arrival sa Doña Martha Memorial District Hospital ang dalawang biktima.

Batay sa report ng Atimonan Police, tumatahak ang wing van sa pababang bahagi ng diversion road nang mawalan ito ng preno at araruhin ang tatlong kasalubong na truck na noon ay paahon patungo sa direksyon ng bayan ng Pagbilao.

Unang nasabitan nito ang dalawang magkasunod na dropside truck at ang ikatlong palletized truck.

Bahagya namang nasugatan ang driver ng palletized truck na si Alexander Sablaya De Leon.

Wala namang nasugatan sa sakay ng dalawa pang truck bagamat napinsala ang mga sasakyan.

Samantala, ang isa sa mga truck na may kargang kahon-kahon na mga sigarilyo, ay pinagkaguluhan at pinagkukuha ng mga bystander. (NILOU DEL CARMEN)

47

Related posts

Leave a Comment