2 regional MWP ng Bicol arestado sa manhunt operation

Camp BGen Simeon A Ola, Legazpi City—Nagtapos na ang pagkukubli ng dalawang indibidwal na tinaguriang regional most wanted person nang ito ay mahuli ng mga pulis ng Bicol sa inilunsad na manhunt operation nitong unang araw ng Hulyo 2022.

Pagbungad pa lamang ng Hulyo dakong 12:41 ng madaling araw, nadakip ng mga tauhan ng Daraga MPS; Provincial Intelligence Unit-Albay PPO, RIU5-PIT Albay; Criminal Investigation and Detection Group Albay PFU; at Regional Investigation and Detective Management Division ang rank 9 regional most wanted ng rehiyon.

Ito ay kinilalang si John Rafael Gonzales Dimalaluan, 28-anyos, tubong Purok 5C, Pama Subd., Sto. Cristo Brgy. San Roque, Daraga, Albay. Ito ay nahaharap sa kasong rape batay sa warrant of arrest na ipinalabas ng RTC Branch 3, Legazpi City, noong Hunyo 30, 2022. Walang kaakibat na piyansa ang kasong nakasampa laban sa suspek.

Pagsapit naman ng 1:50 ng umaga dinampot ng Labo MPS; RIU5-PIT Camarines Norte; at 94th SAC ang rank 2 RMWP na kinilalang si Samuel Espiritu y Barena, 25-anyos, nakatira sa Sitio Panaligan, Brgy. Masalong, Labo, Camarines Norte.

Ito ay may kasong rape na may kaugnayan sa paglabag sa RA 7610 na walang kaukulang piyansa, “rape through sexual assault”, na may kaugnayan sa RA 7610 na may piyansang P200,000; at limang bilang ng kasong acts of lasciviousness na may piyansang P900,000 bawat kaso.

Ang PNP Bicol sa pamumuno ni PBGEN MARIO A REYES, RD, PRO5 ay patuloy na nakatuon sa mandato nitong pagsumikapang masiguro ang kaligtasan ng bawat Bicolano laban sa mga masasamang loob at tiyakin na ang bawat karapatan ng ating mga kababayan na mamuhay nang tahimik ay napoprotektahan. (JESSE KABEL)

136

Related posts

Leave a Comment