22 menor de edad naaktuhan COMPUTER SHOP IPINADLAK

HINDI nagdalawang isip pa ang station commander ng Manila Police District- Raxabago Police Station 1, sa pagpadlak sa isang computer shop sa Tondo, Manila dahil bukod sa naaktuhang mga kabataan na naglalaro sa loob nito, ay walang maipakitang ‘business permit to operate’ ang may-ari noong Biyernes ng gabi.

Ang pasya ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr. na tuluyang isarado ang nasabing computer shop sa Barangay 123 sa Tondo, Manila ay bunsod ng reklamo ng mga magulang na pinapapasok dito maging ang mga menor de edad na dapat ay nasa loob ng paaralan.

Karamihan umano sa 22 naaktuhan sa loob ng computer shop ay naglalaro ng “Mobile Legends”.

Ayon kay Ibay, sa halagang P5.00 ay nakapaglalaro ng limang minuto ang bawat papasok sa computer shop kaya ang baon na nanggagaling sa kanilang mga magulang sa araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan ay napupunta lamang sa laro.

Isang alyas “Julius” umano ang nagmamay-ari ng shop na napag-alaman na walang business permit at hindi umano inabisuhan ang nakasasakop na barangay na magtatayo ito ng computer shop.

Ang mga kabataan ay pansamantang inilagak sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), habang ang may-ari ng computer shop ay nahaharap sa kasong paglabag sa City Ordinance 8186. (RENE CRISOSTOMO)

195

Related posts

Leave a Comment