3 NASAMPULAN SA GUN BAN SA CALABARZON

TATLO katao ang nasampulan sa unang araw ng pagpapatupad ng COMELEC gun ban noong Lunes, kaugnay sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023, matapos mahulihan ng baril sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon region.

Ayon sa report ng Police Regional Office 4A- Calabarzon, unang naaresto ng mga pulis si Melquiades Salva Quieta, habang sakay ng motorsiklo sa checkpoint sa Trece Martires, Cavite dakong alas-10:45 ng umaga. Nakumpiska mula kay Quieta ang caliber 40 pistol Glock 22 at mga bala.

Dakong alas-12:50 ng tanghali nang arestuhin si Efren Robiso dahil sa walang habas na pagpapaputok ng caliber .38 revolver sa Brgy. Poblacion 1, Alaminos, Laguna.

Bandang ala-1:40 naman ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng Macalelon, Quezon police si Jayson Bulfane, 37, matapos pagbantaan nitong babarilin ang isang tindera na tumangging makipag-inuman sa kanya.

Sa imbestigasyon, natuklasan na isang replica ng Glock 18 na baril na may mga bolitas na bala, ang dala-dala ng suspek.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong naaresto at nakatakdang sampahan ng kasong Illegal Possession of Firearms in relation to Election Gun Ban, habang may dagdag na kasong grave threat kay Bulfane.

(NILOU DEL CARMEN)

138

Related posts

Leave a Comment