3 PATAY, 29 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 5 SASAKYAN

BATAAN – Patay ang tatlo katao habang 29 ang sugatan sa nangyaring aksidente sa Olongapo-Gapan Road, sakop ng Brgy. Bangal, sa bayan ng Dinalupihan, sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa report ng Dinalupihan Police, sangkot sa aksidente dakong alas-6:25 ng gabi ang isang pampasaherong bus na umararo sa isang pampasaherong jeep, isang motorsiklo at dalawang tricycle.

Ayon sa ulat, tinatahak ng Arayat Express bus na minamaneho ng 54-anyos na si Edwin Sandoval, ang Jose Abad Santos Avenue patungong Olongapo City, nang mawalan ito ng kontrol matapos tangkaing mag-overtake sa isang truck sa kurbadang bahagi ng daan.

Una nitong nasalpok ang kasalubong na jeep na puno ng mga pasahero, bago nabangga ang motorsiklo, at isang may pasaherong tricycle, at ang isang nakaparadang tricycle.

Tatlong biktima ang agad idineklarang dead on arrival sa ospital, kabilang ang isang babae na kinilalang si Camille Isidro Arceo, 25-anyos.

Kabilang din sa mga namatay ang isang babaeng estudyante ng Gordon College ng Olongapo City.

Samantala, 29 iba pang mga biktima, kasama ang driver at konduktor ng bus, ang mabilis na isinugod din sa James Gordon Memorial Hospital at sa Dinalupihan District Hospital dahil sa mga pinsala sa katawan.

Ayon sa mga awtoridad, ang iba rito ay nasa kritikal na kalagayan dahil sa matinding mga sugat at matitinding bali sa katawan.

(NILOU DEL CARMEN)

53

Related posts

Leave a Comment