34K PULIS IDE-DEPLOY SA SUMVAC 2024

SINIMULAN na ng Philippine National Police (PNP) ang paglalatag ng kanilang security preparation para sa SUMVAC 2024 o Oplan Summer Vacation kaugnay sa paggunita ng Semana Santa.

Tinatayang nasa mahigit 34,000 pulis ang ikakalat sa buong Pilipinas partikular sa pangunahing mga lansangan papasok sa iba’t ibang lalawigan.

Ipauubaya naman ng PNP sa kanilang mga regional director ang security deployment ng kanilang mga tauhan at maging ang pagtatakda ng alerto, depende sa kanilang security status.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, ang nasabing bilang ng mga pulis ay idedeploy sa iba’t ibang panig ng bansa para sa seguridad ng mga mag-aaral na mag-uuwian sa mga lalawigan, mga bakasyonista at turista na inaasahang daragsa sa mga tourist destination.

Nabatid pa na may 7,000 trained tourist police ang kanilang itatalaga sa popular tourist destinations na tiyak na daragsain ngayong summer.

Maglalagay rin ang PNP ng mga Emergency at Police Assistance Desk sa matataong lugar at pangunahing mga lansangan lalo sa mga papasok ng toll ways.

Bukod dito, magtatalaga rin ang PNP ng sapat na puwersa sa major transportation terminals, areas of convergence, at maging sa mga simbahan ngayong Holy Week break.

(JESSE KABEL RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment