MAAGANG nagdeploy ng kanilang disaster response team ang Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na tinumbok ng Bagyong Betty upang masiguro ang peace and order.
Nabatid na umaabot na sa 39,021 miyembro ng PNP ang naka-preposition bago pa ang paghagupit ng bagyo.
‘
Ayon sa datos ng Pambansang Pulisya, nasa 4,650 trained personnel ng PNP-Water Search and Rescue (WASAR) team at 7,371 trained personnel para sa Search and Rescue (SAR) ang kanilang ikinalat kaugnay sa inaasahang paghagupit ng Bagyong Betty sa ilang rehiyon sa bansa.
Ani PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., nagpakalat na rin sila ng iba’t ibang equipment tulad ng 8,806 life vest, 77 SAR boats, at 1,730 units SAR equipment vehicles na binubuo ng 1,496 personnel carriers, 234 units ng troop carrier at 625 portable electric generator sets.
Partikular na pinadalhan ang Regions 1, 2, 3, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, MIMAROPA, at CALABARZON.
Bago ito ay nagdeploy rin ang PNP ng 27,000 police disaster response personnel sa buong bansa upang umalalay sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at Local Government Units (LGUs) para sa mga isasagawang preemptive evacuation, rescue and relief operations.
Samantala, activated na rin ang Critical Incident Management Committee ng PNP para mahigpit na i-monitor, i-coordinate ang lahat ng efforts ng PNP units sa kanilang Sub-Committee on Natural Disasters, Critical Incident Monitoring Team at PNP Command Center.
Inihayag naman ni PNP Public Information Officer Chief Police BGen. Red Maranan, na bukod sa HADR ay mahigpit na ipatutupad ng kapulisan ang law and order sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Layunin nito na tiyakin na walang magsasamantala gaya ng pagnanakaw sa mga maiiwang bahay. (JESSE KABEL RUIZ)
